ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | December 7, 2020
Hello, Bulgarians! Sinabihan ni Senador Win Gatchalian ang Department of Transportation (DOTr) at mga toll operators na ayusin ang lumalalang trapiko sa mga expressway dulot ng mga pumipilang motorista na nagpapakabit ng Radio-Frequency Identification (RFID) sticker.
Iminungkahi ni Gatchalian ang paglalagay ng mga karagdagang installation booths upang hindi maipon ang mga nagdadagsaang mga motorista na nagpapa-enroll para sa electronic toll collection (ETC) system at maiwasan ang paglala ng traffic.
Nanawagan ang senador matapos mapabalita ang dumaraming reklamo ng mga motorista sa pagpapakabit ng RFID sticker kahit na ginawa nang installation lanes ang ilang regular toll lanes. Mula noong December 1, ipinatutupad na ang cashless at contactless transactions sa mga toll plazas.
Pinuna rin ng senador ang napabalitang depektibong RFID sensors na lalong nagpalala ng sitwasyon ng trapiko.
Bukod pa rito, napag-alaman din ng mambabatas na nitong mga nakaraang araw, naiipit ng halos tatlong oras sa traffic ang mga motoristang pabalik ng Valenzuela City sa North Luzon Expressway (NLEX) interchange dahil sa pumapalyang RFID sensor.
“Nasa pamamahala na ito ng toll operators na masigurung gumagana ang mga RFID sensors at nababasa nito ang bawat car sticker na dumadaan dahil kung hindi, ano pa ang silbi ng ganitong klase ng teknolohiya kung hindi naman nito nagagampanan ang layunin nito?” giit ng senador.
“Nakikita ko naman ang katuturan ng sistema na gawing cashless ang pagbabayad ng toll sa mga expressways lalo na’t hindi pa natin napipigilan ang pagkalat ng COVID-19. Ngunit hindi naman maaring wala tayong gawin at hayaang maipit na lang sa trapiko ang mga tao. Nakakahinayang ang mga oras na nasasayang lalo na’t hindi na ito mababawi,” dagdag pa ng Vice-Chairman ng Senate Economic Affairs Committee.
Ayon sa mga pag-aaral, bilyong piso ang nawawala dahil sa problemang dulot ng trapiko, ani Gatchalian.
Pinatunayan ito ng pagsusuring isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa sitwasyon ng trapiko sa Pilipinas noong 2017 kung saan may P3.5 bilyon kada araw ang nawawala o nalulugi sa Metro Manila dulot ng matinding trapiko at ito’y tinatayang aabot sa P5.4 bilyon kada araw pagdating ng 2035 kung hindi ito maagapan.
“Malaking kaluwagan ang cashless o contactless na transaksiyon sa mga motorista at sa kalaunan, maiiwasan ang matinding traffic lalo na kung rush hours. Samantala, kailangang may gawin tayo para maibsan ang mga daing ng mga motorista dito sa transition period ng ETC,” sabi ni Gatchalian.
Nagmungkahi rin ang senador sa mga kinauukulan na paigtingin ang information campaign upang maiwasan ang kalituhan ng publiko sa pagpapalagay ng electronic tags at isa sa mga nakapagpapalala ng trapiko sa mga expressways.
Comments