ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 7, 2021
Kasunod ng lumabas na mga ulat noong Disyembre tungkol sa mga mag-aaral na nagsasagawa ng “Christmas sale” ng mga malalaswang video at larawan nila upang makalikom ng pantustos sa distance learning, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime at ang Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na sugpuin ang ganitong uri ng mga aktibidad sa lalong madaling panahon.
Lumabas sa isang ulat ng The Philippine Online Student Tambayan (POST) na may mga mag-aaral na ginagamit ang mga hashtag na #AlterPH, #AlterPinay at #AlterPhilippines sa Twitter para makabenta ng mga malalaswang larawan at video. Base sa ulat, ginagamit ng mga mag-aaral ang kanilang kinita upang makabili ng mga gadgets at makapagbayad ng internet connection. May ilang nagbebenta pa ng “Christmas bundle” sa halagang P150 na may lamang mga larawan na minsan ay ipinapakita pa ang mukha ng mga nagbebenta.
Mula Marso 1 hanggang Mayo 24 noong nakaraang taon, 300,000 na kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) ang naitala sa Metro Manila. Mas mataas ito ng 264 porsiyento mula sa 80,000 na mga kasong naitala sa parehong mga petsa noong 2019.
Talagang nakababahala ito dahil sa mga suliraning idinudulot ng pandemya, nahaharap ang kabataan sa matinding panganib na maging biktima ng mga pang-aabuso at karahasan. Hindi kaila na pinagsasamantalahan ng mga masasamang-loob ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at dapat itong labanan ng ating pamahalaan.
Bilang tugon ay isinusulong ng inyong lingkod ang mas maigting na pagsugpo sa trafficking. Sa ilalim ng Senate Bill No. 1794 o ang Eliminating Trafficking in Persons Act, maaaring pahintulutan ng mga regional trial court ang mga law enforcers na magsagawa ng surveillance sa mga pinaghihinalaang sangkot sa trafficking. Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga internet service providers (ISPs) ay magkakaroon ng tungkulin na harangin ang anumang uri ng child pornography.
Atin ding inihain ang Senate Bill No. 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act na layong paigtingin ang kaalaman ng kabataan tungkol sa kanilang mga karapatan, mga programa ng pamahalaan, at mga panganib na dulot ng trafficking.
Bukod dito ay maghahain din tayo ng panukalang-batas na layong bigyan ng laptop at internet connection ang bawat mag-aaral. Bilang dagdag-proteksiyon sa mga mag-aaral, isa sa mga probisyon sa ihahaing panukala ang mapigilan ang mga mag-aaral na gumawa ng mga mapanganib na hakbang upang mapunan lamang ang kanilang mga pangangailangan.
Inaasahan natin ang agarang pagtutok at pagtugon sa suliraning ito. Kasabay ng edukasyon, dapat na bigyang-pansin din ang kaligtasan ng kabataang Pilipino.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments