@Buti na lang may SSS | January 30, 2022
Dear SSS,
Ako ay delivery rider ng food delivery app. Batid ko sa araw-araw na pagde-deliver ng mga orders ng aming mga customer ay lubhang napakadelikado at malapit sa aksidente. Kaya nais kong malaman kung maaari rin ba akong makapaghulog sa SSS? - Theo
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Theo!
Malugod naming ipinaaalam sa iyo na maaari kang maging miyembro ng SSS bilang self-employed. Mula pa noong 1980 ay itinatakda ng SSS Law ang pagsakop sa mga self-employed na indibidwal na may buwanang kita na P1,000 o higit pa mula sa kanyang sariling negosyo o propesyon at walang employer, kung hindi pa siya umaabot sa 60 taong gulang.
Kabilang sa mga self-employed ay ang mga propesyunal, tulad ng abogado o doktor, may sariling opisina man o wala, nagmamay-ari o magkasosyo sa negosyo, artista, direktor o manunulat ng pelikula na hindi itinuturing na empleyado, propesyunal na atleta, coaches, hinete at tagapagsanay, magsasaka at mangingisda, nagtitinda sa palengke, tricycle o jeepney drivers, o contractual at job order na empleyado na nagtatrabaho sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Mula naman noong October 2021 ay ipinaigting natin ang pagsakop ng mga katulad mong delivery riders ng mga digital platform companies, tulad ng Angkas, DingDong, FoodPanda, Grab, JoyRide, LalaMove, atbp.
Sa kasalukuyan, ang contribution rate ay 13% ng monthly salary credit na hindi hihigit sa P25,000.
Maaaring ibatay ang halaga ng iyong magiging buwanang kontribusyon sa monthly salary credit o ang salary level, kung saan nakabase ang iyong buwanang kita na idineklara mo sa registration form o SS Form E-1 (Personal Record). Ang 2021 Schedule of Contributions ay makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph o kaya’y sa Facebook page nito sa Philippine Social Security System.
Samantala, ang buwanang kontribusyon ng self-employed ay maaaring tumaas o bumaba sa idineklara sa registration form ayon sa iyong aktuwal na kinikita.
Halimbawa, ang idineklara mong buwanang kita sa registration form ay P8,300. Batay sa Schedule of Contributions, ito ay katumbas sa 8,500 monthly salary credit at may kaukulang kontribusyon na P1,105 kada buwan kasama na ang P10 ay nakalaan naman para sa iyong Employee’s Compensation (EC) contributions na may kabuuang halaga na P1,115 kada buwan.
Ang EC Program ay para sa mga work-related contingencies bunsod ng pagkakasakit, pagkabalda, o kaya’y pagkamatay na maaaring mangyari sa self-employed na tulad mo habang nagtatrabaho.
Dagdag-proteksiyon ito bukod sa regular SSS benefits na matatanggap mo sa hinaharap.
Maaari ka nang kumuha ng SS number online. Magtungo lamang sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang link sa No SS Number Yet? Apply Online! Kung ikaw ay may SS number, maaari na ring i-update ang membership mo sa online. Kinakailangan lamang na nakapagrehistro ka sa My.SSS na matatagpuan din sa SSS website. Dagdag rito, kailangan mo rin ang mga dokumentong tulad ng certified true copy ng iyong birth certificate upang mabigyan ka ng SS number. Kung wala kang birth certificate, maaaring isumite ang alinman sa mga sumusunod: baptismal certificate; driver’s license, passport; Professional Regulation Commission (PRC) card; o Seaman’s Book. Kung wala ang mga nasabing cards o dokumento, maaaring magpasa ng dalawang valid IDs gaya ng postal, senior citizen, voter’s ID, atbp.
Matapos nito, maaari ng magbayad ng kontribusyon kada buwan o kaya’y quarterly. Para makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaaring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangan mong mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen.
Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang hinihinging impormasyon tulad ng buwan, halaga ng babayarang kontribusyon at type ng membership. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari itong i-download bilang PDF o di kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Maaari ring magbayad ng iyong kontribusyon gamit ang My.SSS at SSS Mobile App maging sa alinmang sangay ng SSS, bangko at Bayad Centers. Samantala, makikita ang kumpletong listahan ng SSS payment partners sa official Facebook page nito sa Philippine Social Security System.
***
Nais nating ipaalam sa mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.
Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Commentaires