top of page
Search
BULGAR

Dagdag-personnel sa PCG, mas tatatag ang seguridad ng bansa

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 8, 2024



Boses by Ryan Sison

Mahalaga ang pagprotekta sa seguridad ng bansa at pagsuporta sa mga kababayan tuwing may sakuna o kalamidad subalit nangangailangan ito ng mas maraming uniformed personnel.


Kaya naman inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 4,000 karagdagang posisyon sa Philippine Coast Guard (PCG) para makatulong sa pagpapahusay at mapalakas pa ang operational capability ng kagawaran.


Batay sa DBM, ang libu-libong bagong posisyon ay binubuo ng 819 PCG officers at 3,181 non-officers. Habang ang pag-apruba sa mga bagong posisyon, anang kagawaran ay makatutulong sa PCG sa pagtupad nila ng kanilang mandato, partikular na sa maritime safety administration, marine environmental protection, maritime security at law enforcement, at maritime search and rescue. 


Sa pahayag naman ng kalihim ng DBM, umaasa sila na ang karagdagang 4,000 personnel ng PCG ay magpapalakas pa sa ginagawa nitong monitoring at pagpanatili ng kapayapaan sa West Philippine Sea (WPS). Kaya anito, kaisa sila sa pagbuo ng mas matatag at tumutugon na PCG workforce.


Una nang hiniling ng PCG ang karagdagang personnel bilang bahagi ng 2024 target nito sa ilalim ng pitong taong recruitment plan.


Sa ilalim ng naturang plano, inaasahang aabot sa 37,869 ang kabuuang manpower ng kagawaran pagsapit ng 2026.


Marapat lamang na magkaroon ng mas maraming tauhan ang PCG upang maging mas malakas at matatag ang seguridad ng ating bansa bukod pa sa pagtulong sa mga kababayan sa panahon ng emergency.


Sa tindi ba naman at paulit-ulit na ginagawa sa atin ng China na hindi napapagod sa pambu-bully ay isang halimbawa lamang ng pangha-harass ng ibang bansa sa atin, kaya tamang lumikha ng mga posisyon na talagang sasanayin upang ipagtanggol at protektahan din tayo at soberanya ng bansa.


Gayundin, kapag maraming katulad nilang magbabantay sa atin hindi na tayo mangangambang sakupin ang ating mga teritoryo habang mayroon agad na reresponde sa pangangailangan ng mamamayan lalo na sa panahon ng kalamidad o anumang sakuna.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page