@Editorial | June 03, 2021
Inaasahang malapit nang makalusot sa Kongreso ang panukalang itaas sa P1, 000 ang buwanang pensiyon na natatanggap ng mahihirap na senior citizens.
Ito ay matapos na umusad sa Kamara ang dagdag-P500 sa pensiyon at inaasahang kapag umabot na sa Senado ay agad din itong makalulusot dahil sa nakahaing kahalintulad na panukala.
Kapag naging ganap na batas, mahigit 3 milyong senior citizens ang makikinabang.
May mga nagsasabi na maliit ang halagang P500 para sa mga pangangailangan ng mga nakatatanda, lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya at sila ang higit na nangangailangan ng proteksiyon at pag-aalaga.
Kailangang naaalalayan ang kanilang mga pangangailangan mula sa masusustansiyang pagkain hanggang sa mga gamot.
Bagama’t ilang buwan umanong inilaban ang P500 dagdag-pensiyon, masaya na rin ang ibang seniors dahil may aasahang dagdag-tulong.
Para sa atin, tama lang naman na pagtuunan ng pansin ang ating mga nakatatanda dahil utang natin sa kanila ang kasalukuyan at sila ang magsisilbi nating gabay para sa ating hinaharap.
Sila ang mga magulang na nagtaguyod sa kanilang mga anak para maging pag-asa ng bayan. Sila rin ang mga dating manggagawa na nagpatatag sa ating ekonomiya.
Panahon na para tayo naman ang magbigay sa kanila ng pangangalaga at seguridad.
Lahat ng benepisyo na puwedeng ibigay ay ibigay na, huwag na natin silang pahirapan o paghintayin pa.
Comments