top of page
Search
BULGAR

Dagdag-pasahero sa PUVs, pinalagan ng i-ACT


ni Lolet Abania | June 17, 2021



Mariing tinutulan ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) ang panukala ng Department of Transportation (DOTr) na dagdagan ang kapasidad ng mga mananakay sa mga pampublikong transportasyon.


Ayon sa team leader ng i-ACT Special Unit Bravo na si Reynante Sagragao, hindi pa panahon para magdagdag ng mga pasaherong sumasakay sa mga public utility vehicle (PUV) gaya ng mga bus.


“Ang mga commuters, sasang-ayon ‘yan pero on our part, medyo malakas pa ang COVID ngayon, malakas pa ang hawahan,” ani Sagragao sa isang interview ngayong Huwebes.


“Baka mamaya, magpuno ka diyan, mag-uwi pa ng COVID sa pamilya ang mga ‘yan,” dagdag ni Sagragao.


Matatandaang sinabi ni DOTr Secretary Arthur Tugade na hiniling niya sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 5% hanggang 10% na dagdag na capacity sa mga PUVs.


Ito ang naging tugon ni Tugade sa dumarami ngayong mga pasahero ng PUV, dahil na rin sa muling pagbubukas ng mga negosyo, kumpanya at establisimyento.


Ang i-ACT ay isa sa mga ahensiyang nakatutok sa mga kalsada at nagbabantay sa mga PUVs na mag-o-overloading.


Gayunman, patuloy na sinisilip ng i-ACT ang mga sitwasyon sa mga bus terminal sa Metro Manila, gaya ngayon sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, kung saan wala naman silang nahuling nag-overloading.


Tiningnan din ng grupo ang EDSA Bus Carousel sa Monumento, Caloocan habang mino-monitor ang traffic at pila ng mga pasahero ng libreng sakay kung naipapatupad ang social distancing.


Sinabi rin ni Sagragao na maayos na minamanduhan ng mga enforcers ang mga drivers sa pagdating ng mga bus upang tuluy-tuloy ang sakay ng mga pasahero at hindi humaba ang pila ng mga ito.


Patuloy din ang paalala ng ahensiya sa mga pasahero sa pagsunod sa health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield kapag nasa loob na ng bus.


Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page