ni Ryan Sison @Boses | Jan. 22, 2025
Sa matinding hamon na kinakaharap ng mga tsuper at operator, lalo na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kaya humihirit na sila ng dagdag na pasahe sa mga dyip.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), masinsinan nilang pinag-aaralan ang petisyon ng transport groups na itaas ang minimum fare sa mga jeepney na gawing P15.
Kinokonsidera ng kagawaran ang hinaing at pinagdaraanan ng mga tsuper at operator ng mga dyip dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, pati na rin ang pagtaas ng kanilang mga gastusin.
Gayunman, sinabi ng LTFRB na kailangan ding isaalang-alang ang posibleng epekto ng hinihiling na taas-pasahe sa mga dyip sa mga komyuter.
Kaya naman iginiit ng kagawaran na masusi nilang sinusuri ang petisyon at kinokonsidera ang lahat ng nauugnay dito, kabilang na ang mga trend ng presyo ng gasolina, inflation rates, at ang pangkalahatang epekto sa ekonomiya sa riding public.
Tinitiyak naman nila sa lahat ng stakeholders na magsasagawa ang board ng mga pampublikong pagdinig at konsultasyon upang masiguro ang transparency at inclusivity sa proseso ng paggawa o pagbuo ng desisyon.
Sa kasalukuyan ang minimum na pamasahe sa mga jeepney ay P13.
Dapat pag-isipang mabuti ng kinauukulan kung itataas ang pasahe sa dyip o manatili na lang muna ito sa dati.
Kailangan na nakatuon sila sa pagkakaroon ng tamang solusyon upang maging patas para sa transport group at mga commuter. Iyong walang lalabas na maagrabyado sa parehong panig.
Marahil, dapat na tingnan muna ang ugat talaga ng problema at ito ay ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, at iba pang kaugnay nito.
Kung ito ang uunahing masolusyunan ng ating pamahalaan ay siguradong walang mabigat na pasanin ang mga mamamayan at hindi sila dadaing ng ganyang kahirap na buhay.
Sana lang ay mas pag-ukulan nang husto ng gobyerno ang pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, hindi puro bangayan nang bangayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Bình luận