ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Abril 2, 2024
Masaya tayong ibalita na naratipikahan na ng bicameral conference committee ang Kabalikat sa Pagtuturo Act.
Ito ay isang panukala, kung saan isa sa mga may-akda ang inyong lingkod, na naglalayong itaas ang teaching allowance ng ating mga guro sa public schools.
Sa ilalim ng bicam report ng House Bill No. 9682 at Senate Bill No. 1964, magiging institutionalized na ang pagbibigay ng teaching allowance sa mga public school teacher.
Simula School Year 2025-2026, makakatanggap na ang mga guro ng teaching allowance na nagkakahalaga ng P10,000.
Napapanahon nang tiyakin nating matatanggap ng mga guro taun-taon ang teaching allowance, lalo na’t marami sa mga guro ang gumagastos para makabili ng gamit sa kanilang pagtuturo. Lumala pa ang suliraning ito noong magsimula ang pandemya, halimbawa na lang ang pagbili nila ng load para sa kanilang internet connection.
Maaaring gamitin ang naturang teaching allowance para sa pagbili ng teaching supplies at materials, mga hindi inaasahang gastusin, at pagpapatupad ng iba’t ibang learning delivery modalities o paraan ng pagtuturo.
May mga naging inisyatibo naman ang Kongreso para bigyan ng cash allowance ang mga guro sa ilalim ng taunang national budget. Ngunit magbibigay ng karagdagang seguridad ang panukalang dagdag teaching allowance na ito nang hindi papatawan ng buwis.
Mahalagang tulong itong ipapaabot natin sa ating public school teachers dahil malaking sakripisyo sa oras, gastusin, at kalusugan ang ibinubuhos ng isang guro, kapalit ng kanyang tungkulin sa pagtuturo.
Sa ating pagtugon sa mga hamon sa sektor ng edukasyon, nararapat lamang na ibigay natin ang lahat ng suporta para sa kanilang sariling kapakanan at maging sa kapakanan ng mga estudyanteng kanilang tinuturuan. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentários