top of page

Dagdag na 97 kaso ng Delta variant, naitala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 29, 2021
  • 2 min read

ni Lolet Abania | July 29, 2021



Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ngayong Huwebes ng 97 karagdagang kaso ng mas nakahahawang Delta COVID-19 variant kaya umabot na sa 216 ang kabuuang kaso.


Ayon sa DOH, ang 88 sa bagong nai-report ay local cases, 6 ay returning overseas Filipinos (ROFs), habang ang 3 iba pang kaso ay bineberipika pa. Sa anim na ROFs, 2 ay seafarers mula sa MT Clyde and Barge Claudia, kung saan ang naturang barko ay kasalukuyang nakahimpil sa lalawigan ng Albay, habang 4 ay crew members ng MV Vega na dumating mula sa Indonesia.


Sinabi pa ng DOH, ang 94 sa pinakabagong Delta variant cases ay nakarekober na, habang ang tatlo ay namatay. “The DOH is coordinating with the respective local government units to determine other information, such as exposure and vaccination status,” batay sa pahayag ng DOH.


Samantala, 83 ang nadagdag sa Alpha variant cases habang 127 sa Beta variant cases na na-detect sa pinakabagong genome sequencing run, kung saan may kabuuang 1,858 Alpha cases at 2,146 Beta cases na sa 'Pinas. Sa pinakabagong kaso ng Alpha variant, 58 ay local at 25 naman ang bineberipika.


Nakarekober na sa sakit ang 70 cases habang bineberipika pa ng mga awtoridad ang 13 iba pa. Sa kabuuang 127 bagong Beta cases, 87 ay local at 40 naman ang patuloy na bineberipika. Isang kaso rito ay nananatiling active, 86 ang nakarekober at ang kasalukuyang estado ng 29 ay bineberipika pa.


Nakapagtala naman ang DOH ng 22 dagdag na kaso ng P.3 variant na unang na-detect sa Pilipinas. “Following the detection of additional cases with variants of concern, it is imperative for local government units to immediately crush clusters of infection and observed increases in cases in their respective jurisdictions to reduce transmission,” ayon sa ahensiya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page