ni Rey Joble @Sports News | Sep. 28, 2024
Bagong tikas at lakas ang naidagdag sa San Miguel Beer sa pagsisimula ng PBA Governors’ Cup best-of-five quarterfinal series kung saan ipinarada ng Beermen ang bagong import na si Ejimofor Anosike.
Pinalitan ni Anosike ang injured na si Jordan Adams at kaagad-agad ay nagpakitang gilas para giyahan ang kanyang koponan sa 102-95 panalo kontra Converge nitong Huwebes ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Si Anosike ang ikatlong import ng San Miguel. Binuksan ng Beermen ang kanilang kampanya sa bagong season ng PBA kung saan ipinarada nila si Adams, pero nakaramdam ito ng injury sa kanyang hamstring kung kaya pansamantala siyang pinalitan ni Sheldon Mac. Pero hindi naging impresibo ang lar oni Mac kung kaya pinalitan ulit siya ni Adams.
Ngayong playoffs, mas kinakakilangan ng Beermen ang isang import na walang iniinda sa katawan kung kaya naman kinuha nila si Anosike na tumapos ng may 28 puntos at 11 rebousds. Bagamat ilalim rin ang kanyang laro gaya ni eight-time Most Valuable Player June Mar Fajardo, ipinakita naman ni Anosike na kaya niyang maging katuwang ng premyadong sentro ng Beermen.
“Si EJ kasi sobrang lakas niya sa ilalim, sobrang lakas niya sa boards,” dagdag pa ni Fajardo. “Si Jordan naman, pure scorer talaga pero itong si EJ, hustle player and grabe yung energy niya sa loob. Nagco-complement siya sa team.”
Todo-kayod rin si Fajardo na may 25 puntos at 16 na rebounds. Dahil sa dagdag na enerhiya ni Anosike, mataas ang kumpiyansa ng Beermen na makakaulit sila sa FiberXers sa kanilang laban sa Huwebes.
Comments