by Info @Editorial | Jan. 7, 2025
Muling hinimok ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga sumasahod ng minimum na mag-avail ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP).Ang naturang programa ay binuo upang matulungan ang mga minimum wage earner ganundin ang mga sumasahod ng below minimum. Ito ay isang government assistance program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Economic Development Authority (NEDA).
Batay sa 2025 General Appropriations Act (GAA), ang AKAP ay may pondong P26 bilyon para ngayong taon. Malaking pondo ito na dapat bantayan para masigurong mapupunta sa mga karapat-dapat at hindi mabulsa o magamit sa pamumulitika.
Bagama’t ang AKAP ay isang magandang hakbang, may mga ilang limitasyon din ito. Mahalaga na mapalawig ang sakop ng mga benepisyaryo lalo na sa mga sektor na higit na naaapektuhan ng krisis.
Halimbawa, ang mga manggagawang nasa informal sector o mga self-employed ay kadalasang hindi nakikilala bilang mga benepisyaryo.
Samantala, bagama’t malaking tulong ang ayuda, hindi ito sapat na solusyon sa pangmatagalang problema ng kakulangan sa kita ng mga manggagawa.
Dapat ding pagtuunan ng gobyerno ang pagsusuri sa sahod at seguridad sa trabaho.
Sa huli, ang gobyerno, sektor ng negosyo at mga manggagawa ay dapat magsanib-puwersa upang matiyak ang pantay-pantay at makatarungang kalagayan para sa lahat.
Comments