top of page
Search
BULGAR

Dagdag-kawani sa ECCD, para sa dekalidad na edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 21, 2023

Kung mayroon lang sanang sapat na bilang ng mga kawani sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Council, epektibo nating maipapatupad ang mga programa nito sa buong bansa.


Sa ilalim ng Republic Act No. 10410 o Early Years Act of 2013, mandato ng ECCD Council ang pagpapatupad sa National ECCD System na sinasaklaw ang mga programa para sa kalusugan, nutrisyon, maagang edukasyon, at social services development ng mga bata na may edad na hanggang apat na taong gulang.


Sa ngayon, meron lamang 15 plantilla positions na napunan sa ECCD Council. Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng inyong lingkod ang paglikha at pagpuno ng mas maraming plantilla positions sa ilalim ng ECCD Council. Malaki ang epekto ng kakulangang ito upang maging epektibo ang papel ng mga local government units (LGUs) at mapaigting ang ugnayan nito sa implementasyon ng ECCD programs.


Iminumungkahi rin natin na gamitin ang iba pang pondo ng ECCD Council para sa paglikha ng plantilla positions.


Kabilang sa mandato ng ECCD Council ang pagbuo ng isang pambansang sistema para sa early identification, screening, at monitoring ng mga batang may edad na hanggang apat na taon.


Inihain din ng inyong lingkod ang Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act o Senate Bill No. 2029 upang patatagin ang ECCD sa bansa. Layon ng ating panukala na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng basic education curriculum at ECCD curriculum. Isinusulong din ng panukalang batas ang mas malawak na responsibilidad para sa mga LGUs sa pagpapatupad ng mga ECCD programs, kabilang ang probisyon ng dagdag na pondo at mga pasilidad.


Kung magiging sapat ang ating mga kawani, malaya nating mapapakilos ang mga LGUs upang mapatatag ang ECCD sa bansa, maabot natin ang universal coverage, at matiyak ang pagkakaroon ng dekalidad na child development teachers (CDTs) at child development workers (CDWs). Bilang resulta, tiyak na dekalidad din ang matatanggap na kaalaman, kakayahan at kahandaan sa edukasyon ng mga bata habang sila ay nasa murang edad pa lamang.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page