top of page
Search
BULGAR

Dagdag-kapasidad sa PUV, oks lang kung ‘di malalabag ang health protocols

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 19, 2021



Kasunod ng hiling ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa sa Marso, tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na handa silang itaas sa 75% ang public transportation capacity.


Sa oras na aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang proposal ng NEDA, nangako ang DOTr na titiyakin nilang maipatutupad ang istriktong health protocols sa lahat ng pampublikong sasakyan at pasilidad para matiyak na maiiwasan ang hawaan ng COVID-19.


Sa totoo lang, wala namang problema kung patataasin pa natin ang kapasidad sa mga pampublikong sasakyan dahil kung tutuusin, tulong ito sa mga tsuper at pasahero.


Ngunit ngayong nasa 50% pa lang ang kapasidad sa PUV, kapansin-pansing napakarami nang lumalabag sa minimum health standards, kaya ang tanong, paano kapag dinagdagan pa ang puwedeng makasakay?


Samantala, sa halos araw-araw na nakikita sa tuluy-tuloy na operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) laban sa mga pasahero at motoristang hindi sumusunod sa health protocols, karamihan sa mga bus ay punuan, sira-sira ang barrier sa mga jeep at mga pasaherong hindi maayos na nakasuot ng facemask at face shield. Palusot ng mga pasahero, nakalimutang magdala ng face shield, habang ang katwiran ng iba, hindi alam na required ito sa PUV.


Bagama’t wala pang desisyon kung matutuloy ang MGCQ sa buong bansa, tayo ay may hiling sa DOTr at mga kababayan nating komyuter.


Habang hindi pa pinal ang mga susunod na hakbang, baka puwedeng ito muna ang tutukan natin.


Mahirap kasi ‘yung puro pramis tayo para payagang magdagdag ng kapasidad, pero ang kasalukuyang protocols ay hindi naman nasusunod.


‘Ika nga, tugunan muna natin ang kasalukuyang problema bago tayo gumawa ng panibagong hakbang. Tiyakin nating hindi dagdag-problema ang mga ginagawa natin ngayon upang hindi panibagong sakit ng ulo pagdating ng panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page