top of page
Search
BULGAR

Dagdag kaalaman sa pagmamaneho para iwas-disgrasya

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 20, 2024


Ang ambulance service ay isa sa pangunahing health service vehicle para sa paghahatid ng mga nagmamadaling pasyente lalo na ‘yung mga galing sa aksidente, atake o kalamidad.


Kabilang sa mga ibinibiyahe ang mga pasyenteng galing o patungo sa emergency room ng mga ospital o paglilipat ng pasyente mula sa pinagmulan patungong pagamutan para agad mabigyan ng karampatang lunas, kaya marapat lang na mabigyang prayoridad ang paspas sa biyaheng ambulansya.


Maraming driver na hindi binibigyang pansin ang humaharabas na ambulansya, kaya dapat ay maunawaan ng lahat ng nagmamaneho na dapat bigyan ng pagkakataong makaungos o maka-over take ang isang ambulansya.


Sa oras na paganahin ng ambulansya ang kanilang sirena ay kailangang batid ito ng bawat driver sa kalye na buhay ang kanilang hinahabol at napakahalaga ng bawat segundong sila ay maaantala dahil posibleng ikasawi ito ng lulan nilang pasyente.


Hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin tayong naririnig na driver na nagtatanong kung bakit ang katagang AMBULANCE na nakasulat sa harap ng mga ambulansya ay pabaligtad na nakalagay.


Tunay na napakarami ring may hawak na driver’s license ang hindi pa rin naiintindihan ang mga traffic sign sa maraming bahagi ng bansa.


Dapat kahit ‘yung mga basic na traffic sign na itinuturo sa mga driving school ay alam din ng mga driver upang maiwasan nila itong labagin sa gitna ng pagmamaneho na karaniwang nangyayari.


Malaking bagay ang kaalaman hinggil sa mga traffic sign para maiwasan din ang pagtatalo sa pagitan ng driver at ng traffic enforcer na may pagkakataong nauuwi pa sa pisikal na sakitan sa panahon ng panghuhuli.


Ang baligtad na pagkakasulat ng katagang AMBULANCE sa harap ng sasakyan ng ambulansya ay hindi pagkakamali, kundi sadya itong isinulat upang kahit nasa likod ng isang sasakyan ang ambulansya ay mababasa nang tama sa salamin ng nasa unahang behikulo na may nakatutok na ambulansya sa kanyang likuran.


Dapat maunawaan ng mga driver na may karampatang multa ang sinumang babalewalain ang ingay ng sirena ng nagmamadaling ambulansya kabilang na rito ang mga sasakyang pamatay ng sunog.


Maraming driver ang naiirita kapag naririnig nila ang sirena ng ambulansya o kaya ay sasakyan ng mga bumbero na karaniwang nagmamadali dahil bahagi lamang ito ng kanilang trabaho na dapat nilang gawin kaya kailangang-kailangan nila ng pang-unawa mula sa kapwa nila nagmamaneho.


Marami sa ating mga driver ay wala namang pormal na edukasyon sa pagmamaneho na isa rin sa malaking rason kung bakit nagsisikip ang daloy ng trapiko dahil sa kakulangan ng disiplina at kaalaman.


Subalit, hindi sapat na dahilan na porke kulang sa pormal na edukasyon sa pagmamaneho ay hindi na marunong magmaneho, mas maayos lang sana kung sapat ang kaalaman ng isang driver at maiiwasan pa ang disgrasya. 


Maraming mahuhusay na tsuper sa lansangan na karaniwan ay tinuruan lang ng kapitbahay magmaneho, kaya kung may pagkakataon din lamang ay makabubuting magbasa-basa kahit mga simpleng traffic sign dahil bukod sa karagdagang kaalaman ay malaking tulong ito sa pagre-renew ng driver’s license.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page