top of page
Search
BULGAR

Dagdag insentib at suporta sa para athletes

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 5, 2023 Bilang chair ng Senate Committee on Sports, noong August 3 ay isinumite ko sa Senado ang anim na resolusyon bilang pagkilala sa ating mga atleta sa bitbit nilang karangalan sa ating bansa, at paglalagay sa pangalan ng Pilipinas sa mapa ng international sports.


Kabilang sa ating pinapurihan ang Makati Football Club na nagwagi sa Gothia World Youth Cup na ginanap sa Gothenburg, Sweden, at sa Cup No. 1 na idinaos naman sa Frederikshavn, Denmark.


Nagbigay-pugay din tayo kina Johann Chua at James Aranas sa kanilang naging tagumpay sa 2023 World Cup of Pool na ginanap sa Spain. Dahil dito, muli tayong nagkampeon sa nasabing torneo, na ang pinakahuli ay noon pang 2013.


Historic naman ang panalo ng Filipinas Football Team laban sa New Zealand sa score na 1-0 sa 2023 FIFA Women’s World Cup na idinaos sa Wellington, New Zealand. Ito ang unang pagkakataon na naka-goal ang ating team sa World Cup. Isa itong milestone sa kasaysayan ng Philippine sports, at nagpapakita ng pag-unlad ng ating koponan sa larangan ng football.


Tagumpay din ang ating delegasyon ng mahuhusay na Keglers o bowlers sa ginanap na 21st Asian Youth Tenpin Bowling Championships sa Bangkok, Thailand. Sila ang itinanghal na overall champion sa kauna-unahang pagkakataon, at nakapag-uwi ng dalawang gold medals.


Ipinakita naman ng Gilas Women’s National Basketball Team ang kanilang husay sa ginanap na FIBA U16 Women’s Asian Championship, kung saan nakapagtala sila ng limang panalo at walang talo sa Division B, kaya nakakuha sila ng spot para sa Division A Asia.


Kinilala rin natin ang mga miyembro ng Philippine Para Teams sa kanilang ipinakitang galing matapos itala ang 5th Overall Championship sa ginanap na 2023 Southeast Asian Para Games sa Cambodia. Nakasungkit ang ating para-athletes ng kabuuang 117 medalya — 34 gold medals; 33 silver medals; at 50 bronze medals.


Kaugnay nito, naghain din ako ng panukalang naglalayong madagdagan ang mga insentibo para sa mga para-athletes sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2116. Kung maisabatas, dapat ay pareho na rin ang suporta at insentibo sa mga lalahok sa Para-games tulad ng ibang international competitions na sinasalihan ng Pilipinas.


Gayundin, bilang chair ng Senate Committee on Sports, isinumite natin ang Senate Bill No. 423, o ang panukalang Philippine National Games (PNG) Act of 2022. Kung maisabatas, layunin nito na mapalawak ang grassroots sports program para makatuklas ng mga atletang Pilipino sa buong bansa na may potensyal sa iba’t ibang sports. Isang paraan din ito para mahikayat ang ating mga kabataan to get into sports and stay away from illegal drugs.


Samantala, ipinaglaban natin sa deliberasyon ng ating 2023 budget ang karagdagang pondo para sa Philippine Sports Commission. Sa katunayan, ang budget lang sana ng PSC ay nasa humigit-kumulang P200 million. Tayo ang nag-defend at nagsulong ng dagdag sa pondo nila kaya nabigyan pa ito ng P1 billion, kasama na ang budget para sa iba pang grassroots sports programs gaya ng Batang Pinoy, dagdag pondo sa pagdaraos ng FIBA 2023, at suporta sa mga lalahok sa international competitions tulad ng Asian Games, Southeast Asian Games, Summer Olympics, ASEAN Para Games, at iba pa.


Naging author at co-sponsor din tayo ng panukalang batas na naging Republic Act No. 11470 noong 2020 para maitatag ang National Academy of Sports sa New Clark City sa Tarlac. Bahagi ito ng aking pangarap na magkaroon ng dedicated learning facility kung saan ang mga kabataang Pilipino ay mas mahasa ang kakayahan sa sports habang nag-aaral.


At dahil bisyo ko ang magserbisyo, tuluy-tuloy ang aking paghahatid ng tulong sa mga komunidad na nangangailangan.


Bahagi ng aking inisyatiba naman bilang chair ng Senate Committee on Health na mapalakas ang ating healthcare system, kahapon, August 4 ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Monkayo, Davao de Oro. Matapos nito, binisita natin ang pagtatayo at pagsasaayos ng public market na napondohan sa ating pamamagitan. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 indigents sa lugar.


Nasa Batangas naman tayo noong August 3 at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Batangas Provincial Medical Center (New Provincial Hospital) sa bayan ng Tuy.


Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 1,700 residente, sa suporta ni Governor Dodo Mandanas.


Nakasama rin namin doon sina Vice Gov. Mark Leviste, Congressmen Eric Buhain at Ray Reyes, Tuy Mayor Jose Jecerell Cerrado, San Luis Mayor Oscar Lito Hernandez at Vice Mayor Maan de Gracia, Lian Vice Mayor Ronin Leviste, at iba pang lokal na opisyal.


Pagkatapos, pumunta tayo sa Davao City para daluhan ang 1st General Assembly ng Philippine Councilors League-Occidental Mindoro.


Bumisita naman tayo sa Caloocan City noong August 2 at sinaksihan ang groundbreaking ng Super Health Center kasama sina DOH Secretary Ted Herbosa, Congresswoman Mitch Cajayon-Uy, Congressman Oca Malapitan, Mayor Along Malapitan at Vice Mayor Karina Teh. Namahagi rin tayo ng tulong sa 980 mahihirap na residente katuwang ang tanggapan naman nina Cong. Cajayon-Uy, Councilor Ed Aruelo at Councilor Wewel De Leon.


Naglibot din ang aking opisina para maghatid ng tulong sa iba’t ibang sektor na nahaharap sa mga krisis. Para sa mga naapektuhan ng Typhoon Egay, namahagi tayo ng food packs at napagkalooban ang 1,700 residente mula sa Hagonoy, Guiguinto at San Miguel sa Bulacan; 900 sa Dagupan City, San Fabian at Calasiao sa Pangasinan; 200 sa Binangonan, Rizal; at 200 sa San Antonio, Zambales. Naalalayan din ang 89 naging biktima ng sunog sa iba’t ibang barangay sa Bacolod City, Negros Occidental.


Nagbigay din tayo ng suporta sa 1,200 mahihirap na residente ng Cabanatuan City, Nueva Ecija; 1,049 sa San Pedro City, Laguna; 800 sa Tabaco City, Albay; at 67 pa sa Pulupandan, Negros Occidental. Tumulong din kami sa mga taga-Bulacan kabilang ang 66 sa Santa Maria, 66 sa Paombong, 66 sa Baliwag, 66 sa Bustos, 66 sa Obando, at 66 din sa Norzagaray. Sa Batangas naman, natulungan din natin ang 500 benepisyaryo mula sa Calaca, 400 sa Tanauan at 57 pa sa Batangas City.


Walang tigil ang aking serbisyo sa abot ng aking makakaya. Mula sa pagkakaloob ng tulong sa mga mahihirap at iba’t ibang sektor, pagpapaunlad at pagpapalawak ng ating sports program, pagpapalakas ng ating healthcare system, pagsusulong ng mga proyektong magpapaunlad sa inyong lugar, at paglikha ng mga batas para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Magtulungan tayo tungo sa pag-unlad ng ating bansa.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page