top of page
Search
BULGAR

Dagdag-honoraria sa mga guro na nag-OT sa eleksyon, aprub

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 15, 2022


Kaisa po tayo sa panawagan sa Commission on Elections (Comelec) na mabigyan ng dagdag na honoraria ang mga nagsilbi ng overtime nitong nakaraang halalan.


Hindi kasi biro ang gumising nang maaga noong Mayo 9 upang ihanda ang polling center, at manatiling gising at alerto nang mahigit 24 oras sa gitna ng init, siksikan, at banta ng COVID-19.


Ngunit sa kabila ng mga kaso ng depektibong vote counting machines (VCMs) o banta ng kaguluhan o karahasan ay nanatiling tapat sa tungkulin ang mga electoral board na panatilihing maayos at patas ang eleksyon.


☻☻☻


Ngayong tapos na ang eleksyon ay binabantayan naman ng mga eksperto ang posibilidad ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ito ay dahil na rin sa mga ulat ng hindi pagsunod sa minimum public health standards bago, habang, at pagkatapos ng eleksyon. Nakita naman natin ang pagsisiksikan ng mga tao, lalo na noong araw ng eleksyon sa mga voting center.


Ayon sa mga eksperto, posibleng sa darating na linggo ay makikita kung tataas o hindi ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.


Kung kaya’t mungkahi nila ay pataasin pang lalo ang pagbabakuna ng first booster shot sa eligible population, at ang patuloy na pagmamatyag ng sambayanan upang hindi na umabot muli sa punto ng lockdown.


☻☻☻


Habang sinusulat ang kolum na ito ay nakakolekta na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng tinatayang 252 tonelada ng campaign materials simula nang inilunsad nito ang dismantling operations pagkatapos ng halalan.


Ayon sa ahensya, ang mga ito ay gagawing materyales para maging bricks.


Nanawagan din ang EcoWaste Coalition, isang zero waste advocacy organization, para sa isang ligtas na reusing at repurposing ng mga campaign materials. Ito ay upang maiwasan na sunugin, o kaya ay itapon sa mga landfill o sa dagat ang mga materyales.

Maaari kasing gamiting muli ang mga tarpaulin upang mapakinabangang muli, tulad ng mga bag o trapal para sa mga bahay o pampublikong sasakyan.



☻☻☻


Nais kong kunin ang pagkakataon na ito upang ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga nagpaabot ng kanilang pagbati sa aking kaarawan at sa kapatid ko nitong nakaraang linggo. Nakakataba po ng puso ang inyong mainit na pagbati.


Nawa’y patuloy po tayong magtulungan upang itulak at makamit ang mga batas para sa isang maunlad, mapayapa, at progresibong Pilipinas!


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page