top of page
Search
BULGAR

Dagdag-benepisyo para sa mga dating pangulo, isinusulong

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Pebrero 10, 2023


Makasaysayan para sa akin ang buwan ng Pebrero ngayong taon dahil limang taon na ang nakalipas matapos nating matupad ang isa sa aking mga pangarap na paghahatid ng serbisyo sa aking mga kapwa Pilipino—ang pagkakaroon ng Malasakit Center, isang one-stop shop ng mga medical assistance para sa mahihirap na Pilipino

Bumisita ako sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu ngayong araw. Dito unang nagkaroon ng Malasakit Center noong Pebrero 12, 2018. Noong 2019, isinulong ko ang pagsasabatas ng panukalang magtatatag ng Malasakit Centers sa mga Department of Health-run hospitals at sa Philippine General Hospital sa buong bansa.


Na-institutionalize ang Malasakit Center program nang lagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act noong December 2019. Sa kasalukuyan ay mayroon na tayong 154 Malasakit Centers sa buong bansa at mahigit pitong milyong kababayan na natin ang natulungan, at patuloy na natutulungan ng programang ito.

Matapos ang aking pagbisita sa Malasakit Center sa VSMMC, nagkaloob naman ako ng tulong sa mga pasyente ng ospital at mga frontliners.

Bukod naman sa Malasakit Center, patuloy din sa pagdagdag ng bilang ang mga itinatayong Super Health Center (SHC) sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Sa imbitasyon ng mga lokal na opisyal, sinaksihan ko ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Lawaan, Talisay City. Personal ko ring pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 500 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor, at sa 91 residenteng biktima ng sunog.

Kahapon, Pebrero 9, sa imbitasyon ng mga lokal na opisyal ay sinaksihan ko naman ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa San Carlos City, Negros Occidental.


Pinangunahan ko rin ang pamamahagi ng ayuda sa 500 mahihirap na residente ng nasabing lungsod.

Nagsagawa rin ako ng inspeksyon sa sinuportahan nating pagpapagawa ng public market sa Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental, at nagkaloob ng tulong sa 500 mahihirap na residente. Pinaunlakan din natin ang imbitasyon bilang guest speaker sa 40th founding anniversary ng bayan, kung saan itinampok ang kanilang Kali Cultural Competition at 40th Kali-Kalihan Harvest Festival.

Nagkaroon din ng groundbreaking ng SHC sa Dolores, Eastern Samar; at ako naman ay nagsagawa ng inspeksyon sa itatayong SHC sa Imus, Cavite noong Pebrero 8, kasabay ng pagbibigay ng ayuda sa 500 residente at 85 pamilyang nasunugan.

Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong SHC sa Compostela, Davao de Oro noong February 4, at nagkaloob ng ayuda sa 500 mahihirap na residente ru’n. Bago ang event sa Compostela, dinaluhan ko rin ang inagurasyon at turnover ceremony ng itinayong multi-purpose building sa Purok 2, Lower Bgy. Mapula, Paquibato District, Davao City. Nakapag-abot din tayo ng tulong sa 250 mahihirap na residente ru’n.

Hindi rin natin kinakaligtaan ang paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating higit na nangangailangan at nahaharap sa iba’t ibang krisis. Personal kong tiningnan ang sitwasyon at nagkaloob ng tulong sa mga nasunugan sa Quezon City— 94 mula sa Bgy. Roxas, at 600 sa Bgy. Apolonio Samson. Nakarating din ako sa Parañaque City para tulungan ang 45 biktima ng sunog sa Bgy. Merville at Bgy. San Dionisio. Kabilang din sa ating naalalayan ang 27 na mga estudyanteng atleta mula Luzon na na-stranded sa Bislig City, Surigao del Sur.

Samantala, kasama ang aking mga kapwa mambabatas na sina Senators Mark Villar, Francis Tolentino, at Ronald dela Rosa, nag-file kami ng Senate Bill No. 1784 na layuning bigyan ng mga benepisyo at iba pang prebilehiyo ang mga dating pangulo ng ating bansa. Kung maisasabatas ito, lahat ng dating pangulo ay mabibigyan ng mas pinabuting personal na seguridad at proteksyon, at kaunting office staff mula sa Office of the President.

Kahit ngayon na tapos na ang kanilang termino, hindi ibig sabihin ay tapos na ang kanilang serbisyo at sakripisyo para sa ating bayan at para sa kinabukasan ng ating mga anak. Nagseserbisyo pa rin sila sa iba’t ibang kapasidad, kabilang na rito ang pagbibigay ng kanilang mga pananaw sa iba’t ibang isyu, pakikipagtalakayan sa mga foreign and local dignitaries, at pagdalo sa public events at iba pang social engagements. Patuloy pa rin silang tumutulong sa mga tao, at dahil d’yan, patuloy din ang banta sa kanilang buhay.

Bagama’t wala naman tayong hinihinging dagdag na pension o suweldo o allowance para sa mga dating pangulo, parang nakalulungkot isipin na P8,000 kada buwan lamang ang natatanggap nila base sa Republic Act No. 5059 na naisabatas noong ika-17 ng Hunyo, 1967. Hindi ito sapat para sa suweldo ng isang staff. Tatlong dating pangulo na lamang ang natitira ngayon—sina dating pangulong Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Tatay Digong. Sakaling maisabatas ang SBN 1784, makikinabang din dito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kapag tapos na ang kanyang termino.

Lalo nating pinabubuti ang paghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipino, anuman ang antas ng kanilang buhay sa abot ng ating makakaya. Bawat isa ay may mahalagang papel sa ating lipunan, kaya nararapat lamang na maisulong natin ang karapatan at kapakanan ng lahat para walang maiwanan sa ating muling pagbangon tungo sa mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page