ni Mylene Alfonso | May 23, 2023
Pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., ang kulang sa sandaling maratipikahan ang panukala na magpapatibay sa 'chalk allowance’ na layuning taasan ang taunang supply allowance ng mga guro sa lahat ng pampublikong paaralan.
Sa botong 22 na mga senador na present sa sesyon, lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat ng Pagtuturo Act’ na iniakda at ini-sponsor mismo ni Senador Ramon "Bong" Revilla, Jr. na naglalayong dagdagan ang allowance ng public school teachers.
Sinabi ni Revilla na sobra-sobra na ang trabaho ng mga pampublikong guro ngunit kulang naman ang kanilang suweldo na tumatanggap ng P24 bawat araw sa ilalim ng kasalukuyang P5,000 teaching supplies allowance para sa buong school year.
Aniya, naoobliga ang mga public teachers na maglabas ng sariling pera upang makabili ng mga materyales at iba pang supplies na ginagamit sa pagtuturo.
Sa ilalim ng SBN 1964, ang teaching allowance ay unti-unting tataas mula sa kasalukuyang P5,000 ay magiging P7,500 para sa school year 2023-2024 at P10,000 kada guro para sa school year 2024-2025 hanggang sa mga susunod pa at ang karagdagang benepisyo ay hindi kakaltasan ng buwis.
Ayon pa kay Revilla ang kasalukuyang cash allowance ay kabilang na ang P500 alokasyon para sa medical examination na kung ibabawas pa umano ang gastos sa teaching materials ay bababa pa sa P22 kada araw.
Comentarios