top of page
Search
BULGAR

Dadanak ng dugo sa Kyusi sa pagdiriwang ng aking kaarawan

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 18, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nakatakdang dumanak ang dugo ngayong araw, Setyembre 18, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali na gaganapin sa Amoranto Sports Complex lobby na taunang isinasagawa bilang paggunita sa aking ika-58 kaarawan na tinawag na ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’.


Makikipagtulungan sa atin ang Chinese General Hospital and Medical Center at Lung Center of the Philippines na silang mangunguna sa pagkuha ng dugo sa mga donor. Inimbitahan natin ang mga donor na regular ding naghahandog ng dugo ang grupo ng Alpha Phi Omega, Agimat Riders, AFP, Phil. Marines, Phil. Navy, Phil. Air Force, BFP, BJMP at PNP.


Inaasahang dadagsa rin ang marami nating tagasuporta na taun-taon ding nagdo-donate ng dugo kabilang na ang mga kaibigan natin sa showbiz, mga supporter at iba pang nais magboluntaryo.


Iniingatan ang mga naipong dugo at ipadadala ito sa mga ka-partner na ospital upang makatulong sa mga kababayan nating walang pambili ng dugo sa oras ng pangangailangan.


Ako mismo ay nagpapakuha ng dugo dahil bukod sa nakakapagdugtong tayo ng buhay, mabuti pa sa kalusugan ang regular na pagdo-donate ng dugo.


Hindi na rin mabilang sa daliri ang mga kababayan nating natulungan dahil sa wala na silang mahagilap na dugo kahit may sapat silang pera, at dumarating talaga ang pagkakataon na nagkakaubusan ng kailangang dugo.


Kaya malaking bagay ang ginagawa nating bloodletting dahil marami ang natutulungan ng proyektong ito na tuwing sasapit ang aking kaarawan ay bahagi na ito ng aking pagdiriwang ‘pag dumarating na ang ika-25 ng Setyembre kada taon.

Last year, umabot sa 550 ang nag-donate ng dugo kung saan ay nakaipon tayo ng 266 bags na pinakinabangan natin buong taon.


Inaasahan nating mas marami ang maghahandog ng dugo ngayong araw lalo pa at marami rin ang nakikipag-ugnayan sa atin bago maganap ang ating bloodletting.

Huwag kayong malilito, ngayon lamang araw na ito isasagawa ang bloodletting, ngunit sa Setyembre 25 pa ang aking birthday, dahil ngayong araw lamang naisaayos ang lahat.


Sa mga wala namang masyadong pinagkakaabalahan today ay maari kayong magtungo sa Amoranto Stadium upang makisaya sa aking kaarawan at tuloy maisali kayo sa talaan ng mga naghandog ng dugo, at prayoridad din kayo sakaling kayo naman ang mangailangan ng dugo o isa sa inyong mga kaanak.


May nakahanda naman tayong pagkain para sa mga magbibigay ng dugo at bibigyan natin sila ng certificate na katunayan ay nag-donate ng blood na maaari nilang magamit kapag sila naman ang nangailangan nito.


Bukod sa pagkain ay may mga giveaway din tayong inihanda na ipapamahagi para sa mga boluntaryong maghahandog ng dugo.


Maraming media ang nakatakdang dumalo sa ating bloodletting upang i-cover ang buong event at inaasahang marami ring media ang magdo-donate ng dugo habang may mga picture taking na magaganap kasama ang dadalong mga celebrity.


Napakaganda ng adhikaing ito na ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ dahil kitang-kita ang bayanihan at pagtutulungan ng ating mga kababayan para makaipon ng dugo at magamit sa panahon ng pangangailangan.


Subok na ang proyektong ito na sinimulan natin noong 2017 na tuluy-tuloy hanggang ngayon, at ilang ulit na rin itong napatunayan kung paano tumugon sa mga nangangailangan ng dugo at naitawid ang maraming buhay.


Taun-taong matagumpay ang ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ kaya inaasahang magiging matagumpay din ito ngayong araw.


Kaya inaanyayahan ko ang lahat ng ating mga kababayan na may kakayahang maghandog ng dugo ay agad na makipag-ugnayan o magtungo sa Amoranto Stadium para mas marami tayong matulungan.


Bago ang bloodletting, magpapamahagi kami ng cash assistance sa Brgy. Batasan Hills sa Quezon City din upang alalayan naman ang mga nangangailangan nating kababayan at tuloy ay anyayahan ang lahat na may kapasidad na maghandog ng dugo.


Magbibigay tayo ng tig-P2,000 bawat isa sa pamamagitan ng Assistance for Individual in Crisis hanapbuhay (AICS) sa Serbisyong Bayan (SB) Park, Batasan Hills ng QC, na inaasahang aabot sa mahigit 2,000 katao ang mabibiyayaan bago ang bloodletting sa Amoranto Stadium na ilang minuto lang ang layo sa Batasan Hills.


Antabayanan lang ninyo ang iba pang anunsiyo hinggil sa ating mga aktibidades dahil marami pa tayong naka-schedule ng pamamahagi ng cah assistance sa mga lugar sa bansa lalo na sa mga naging biktima ng kalamidad.


Maaari ninyong bisitahin ang ating Facebook account upang magkaroon kayo ng ideya kung saan-saang mga lugar na nakatakda nating bisitahin para mabigyan ng ayuda.

Tulad ng dati ay kasama natin ang staff ng Bayanihan Relief (BR) na palagi nating katuwang sa pamamahagi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Sa ating mga pag-iikot ay palagi tayong may nakahandang family food packs na ibinibigay sa mga kababayan, bukod pa sa financial assistance at regular natin itong ginagawa simula pa noon.


Bukas ay bibisitahin naman natin ang Tacloban City kasama si Mayor Alfred Romualdez at mamamahagi rin tayo ng financial assistance sa may 2,000 benepisyaryo.

Kasunod nito ay didiretso tayo sa Maasin City, Southern , Leyte at sasalubungin naman tayo nina Governor Damian Mercado, Cong. Roger Mercado at Mayor Nino Mercado para mamahagi rin ng ayuda sa mga residente. 


Abangan ninyo kami sa Amoranto Stadium para sa bloodletting at masaya ito dahil maraming personalidad ang bibisita na nais ding maghandog ng dugo.


Huwag kayong bibitaw sa pagsubaybay sa mga aktibidades natin baka isang araw ay magawi rin kami sa inyong mga lugar. Kita-kits!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

تعليقات


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page