top of page
Search
BULGAR

Da, 'wag mameke ng shortage sa supply ng isda para makapag-import, plis lang!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 24, 2022



Ngayon ay 2022 na, pero wala pa ring kupas ang gobyerno sa pagdepende sa importasyon kada magkakaroon ng diumanong shortage sa pagkain at kung anu-ano pang kailangan natin. 'Kalokah!


Juiceko naman, ibahin na natin ang tono, may pandemya na't lahat, mag-eeleksiyon na nga, 'utak-imported' pa rin tayo? Ano ba 'yan? Eh, itong pinakahuli, aangkat na naman ang Department of Agriculture ng panibagong 60,000 metriko tonelada (MT) ng isda kasi nga raw may shortage sa supply ng galunggong, sardinas at mackerel? Weh, hindi nga?!


Totoo bang kapos tayo sa isda? Santisima, eh, mismong mga lokal na mangingisda natin, pumapalag sa panibagong importasyon at nagsasabing hindi tayo kapos sa isda, at sa katunayan ay maraming lokal na isda na tulad ng tilapya at bangus, hello! Bulag-bulagan lang ang peg?


Itong DA, eh, tila si Palos, puro palusot para lang makapag-import. Teka lang, may naamoy tayong kakaiba, ha? Mabuti sana kung talagang matibay ang pruweba na kapos tayo sa supply dahil daw sa Bagyong Odette.


Eh, ang kaso, pumiyok ang mga mangingisda at nagsabing, bingi-bingihan lang ang DA sa payo at rekomendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources (NFARC) na hindi naman kailangang mag-isyu pa ng certificate of necessity to import sa unang tatlong buwan ng 2022.


'Wag tayong isama sa mga gogoyoin! Hello, magtatapos na nga ang closed fishing season sa Pebrero at Marso, ibig sabihin, magbubukas na ang mga pangisdaan sa Western Samar, Palawan at Zamboanga, so, ano ang sinasabing kakapusin sa supply ng isda?


Saka, eh, hindi ba nga, ipaalala natin sa DA na may mga 'available' pa na halos 35,000 MT ng mga isda na nakaimbak mula noong 2021, bukod pa sa 11, 015 MT na bukas pa para sa mga aplikanteng importer.


Take note, ha, mismong sa datos ng BFAR kamakailan lang, eh, nasa 14,349 MT pa lang ang naibebentang mga isda sa merkado o pamilihan mula sa 60,000 MT na inilaan sa 25 importers na nag-apply pa lang para sa 48,985 MT. Tapos, humihirit na naman kayo ng panibagong importasyon? Ano ba, ha?


Pakiusap, 'wag naman pekein ang shortage sa supply para lang makapag-angkat na naman! Pero para marinig natin ang inyong panig DA peeps, eh, bilang tayo ay chairman ng Senate committee on economic affairs, bibigyan ko kayo ng tsansa! IMEEsolusyon para tilad-tilarin ang isyung 'yan, bubusisiin na lang natin sa Senado at nakapaghain na tayo last week ng resolusyon para rito!


Sa ganang atin naman, kapag may kakulangan, mapa-isda man 'yan o iba pang suplay ng pagkain, 'wag palaging magkumahog na mag-angkat! Papatayin n'yo lang ang kabuhayan ng ating lokal na mga mangingisda. IMEEsolusyon na iprayoridad natin ang mga lokal na isda at hindi imported! Plis lang!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page