ni Lolet Abania | May 8, 2021
Inaasahang ilalabas ang suggested retail price (SRP) ng mga imported na baboy sa susunod na linggo, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni DA Chief William Dar, kabilang ang mga senador, susuriin at susumahin nila ang presyo nito ayon sa napagkasunduang taripa.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito. “Well, ang presyo po base dito sa pinal na ibinaba na taripa, we are now making the calculations and we are doing this in tandem, in partnership with the DTI so, baka next week i-announce namin ang suggested retail price,” ani Dar.
Matatandaang nag-isyu si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order hinggil sa taripa ng mga imported na baboy. Subalit, ilang kongresista ang pormal na nagpasa ng resolusyon upang ipabawi ito kay Pangulong Duterte.
Gayunman, nagkasundo na ang DA at mga mambabatas sa ipinatupad na taripa sa dahilang maaaring makaapekto ito sa local hog industry.
Sinimulan ng pamahalaan ang pag-angkat ng imported na baboy sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng African swine fever (ASF) na labis na nakaapekto sa suplay nito sa bansa ng mga lokal na magbababoy.
Samantala, ayon kay Dar, posibleng bumuhos naman ang suplay sa bansa ng mga imported na isda, gulay at bigas habang sa ngayon ay sapat pa ang mga ito.
Komentar