top of page
Search
BULGAR

Curfew time sa Quezon City, pinaikli para sa Simbang Gabi

ni Twincle Esquierdo | December 6, 2020



Pinaikli ng Quezon City government ang oras ng curfew pagsapit ng Disyembre 16, 2020 na mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-3 ng madaling-araw upang maisagawa ang tradisyonal na Simbang Gabi.


Gayunman, ipinaliwanag ng QC government na kailangan pa rin nilang sumunod sa quarantine protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Metro Manila Council (MMC). “Bahagi na ng pagdiriwang ng Kapaskuhan at ng ating kultura ang Simbang Gabi kaya kahit may pandemya, nais nating panatilihing buhay ang diwa nito,” sabi ni QC Mayor Joy Belmonte.


Binigyang-diin din ni Belmonte na ang mga dadalo sa Simbang Gabi ay hindi dapat lumagpas sa 30-porsiyentong kapasidad ng isang venue at ang pagsunod sa mga minimum protocol tulad ng physical distancing, pagsuot ng face mask at face shield.


“Hindi natin dapat kalimutan na mayroon pa ring pandemya at kailangan tayong mag-ingat upang maiwasan ang pagkalat ng virus,” dagdag pa nito. Ipinagbabawal din ang pag-caroling at hinimok ang mga pamilya na limitahan ang bilang ng mga magdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.


Hindi rin pinapayagan na magtipon ang mahigit 10 katao. Bagama't pinapayagan naman ang edad 15 hanggang 65 na lumabas ng bahay, dapat ay may dalang company, school o government-issued ID.


Gayunman, pinapayagan nang lumabas ang 14-anyos pababa kung may kinakailangang bilhin o may importanteng lakad tulad ng medical o dental appointments kasama ang kanilang magulang o guardian.


Pinahihintulutan naman ang mga business meetings, government services, or humanitarian services. Ang mga outdoor o indoor venues para sa special events tulad ng mga restaurants, hotel ballrooms o function rooms at mall atriums ay maaari lamang gamitin kung may kinalaman sa trabaho o commercial purposes, ngunit mahigpit pa ring ipinatutupad ang social distancing.


Kinakailangan namang kumuha ng special permit from the Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang mga gustong mag-trade show at bazaar. "Whenever feasible, gatherings should use open-air venues or naturally ventilated indoor venues," sabi pa ni Belmonte.


Gaganapin naman ang fireworks display sa Quezon Memorial Circle at Eastwood na mapapanood online para hindi na kailangang lumabas pa ng mga tao.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page