ni Lolet Abania | November 10, 2021
Sumiklab ang sunog sa isang bahagi ng Cuneta Astrodome sa Pasay City, kung saan isinasagawa ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga menor-de-edad, ngayong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas sa unang alarma ang sunog pasado alas-8:00 ng umaga na nagsimula sa ikalawang palapag ng arena.
Agad sinuspinde ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa mga kabataan na nasa edad 17 pababa sa arena habang inilipat ito sa ibang vaccination center.
Sinabi ni Aurelio Vendivel, officer-in-charge ng Astrodome, inilipat nila ang vaccination rollout ng mga minors sa Mall of Asia sa Pasay City.
Nagtulung-tulong naman ang mga residente ng Barangay 76 Zone 10 at mga kawani ng Clean and Green Pasay City upang mailigtas pa ang mahahalagang kagamitan sa naturang lugar.
Idineklara ng BFP ang sunog na “under control” bandang alas-10:57 ng umaga.
Comments