ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 18, 2023
KATANUNGAN
May nanliligaw sa akin, torpe ito at ayaw akong kausapin sa personal, sa text lang kami nagkakausap at nagpapadala ng kung anu-anong gift sa akin. Naiinis ako kasi ‘di niya ito maibigay ng personal.
2. Nagulat ako, Maestro, dahil may nakapagsabi sa akin na may nililigawan din pala ito bukod sa akin. Bakit siya ganun? Ano ang gagawin ko, hahayaan ko na lang ba siyang mapunta sa ibang babae kahit na gusto ko rin naman siya?
3. Posible kayang maging kami at nakaguhit kaya siya sa aking palad na magiging first boyfriend ko?
KASAGUTAN
Minsan ay wala tayong magagawa sa ugali ng iba, dahil mahirap itong baguhin. Pero may isa tayong magagawa sa ugali natin, dahil ito ay kaya nating baguhin. Ganu’n ‘yon.
Halimbawa, ‘yang torpe mong manliligaw, malabo ng magbago ‘yan o matatagalan pa bago lumakas ang kanyang loob, dahil likas ngang mahiyain at torpe, lalo na kapag ikaw na siguro ang kaharap.
Pero sa kabila ng lahat “Itong mga torpe at sobrang mga mahiyaing ito, paano kaya sila nagkaka-girlfriend at ‘yung iba ay nakapag-asawa pa?” Sa totoo lang, ‘yung ibang mga torpe, at takot sa babae ay tumatandang binata. Pero iyong iba, nakakapag-asawa at nagkakaroon ng masayang pamilya. Paano nangyari ‘yon, eh samantalang saksakan at ubod nga sila ng torpe at hindi magawang makipag-usap sa isang babae?
Nangyaring gano’n, dahil sa katotohanan, may mga babae na nanliligaw din. ‘Ika nga may mga babaeng pasimpleng nagpapa-flirt sa mga lalaking kanilang natitipuhan.
Hindi ko naman sinasabing ganito ang iyong gawin at magpa-flirt o landiin mo ng husto ‘yang torpeng manliligaw mo na gusto mo rin naman pa lang maging boyfriend. Sa halip, ang sinasabi natin ay pa-flirt na ‘wag namang obvious kundi pasimple lang kumbaga.
MGA DAPAT GAWIN
Samanta, Eva Marie, ayon sa iyong mga datos, anuman ang gawin mo, magpa-flirt ka o manatiling babaeng Pilipina, kayo na nga ng manliligaw mong torpe ang posibleng maging magkasintahan sa hinaharap.
Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang unang pag-ibig ang siya na ring maging huli na madali namang napatunayan ng magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing walang kabiguan o panghihinayang na relasyong itatala sa iyong karanasan, bagkus ang unang pag-ibig ay siya na ring kahuli-hulihang magdudulot ng isang maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
Comments