ni Lolet Abania | February 9, 2021
Naglabas ng pahayag ang Malacañang na ang brand o klase ng COVID-19 vaccine na maaaring ibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ay depende sa advice ng kanyang doktor.
Ito ang naging tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang tanungin kung si Pangulong Duterte, na 76-anyos na ngayong buwan, ang unang tatanggap ng Pfizer-BioNTech vaccine na kabilang sa prayoridad na mabakunahan sa elderly sector.
Ang unang batch ng Pfizer-BioNTech vaccine sa ilalim ng COVAX facility ay inaasahang darating sa bansa ngayong buwan, na mas una kaysa sa nais ng Pangulo na Chinese at Russian vaccines.
“This issue will have to be discussed by the President with his physician,” ani Roque sa isang briefing.
“He is under the advice of his physician,” dagdag niya.
Samantala, ang Food and Drug Administration (FDA) ay nakapag-isyu na ng emergency use authorizations (EUA) sa dalawang COVID-19 vaccines at ito ang Pfizer-BioNTech at AstraZeneca.
Ayon sa FDA, ang Pfizer-BioNTech ay may efficacy rate na 92% hanggang 95% habang ang AstraZeneca ay may 70% efficacy rate matapos ang unang dose subalit tataas ito makaraang ma-administer ang ikalawang dose mula apat hanggang 12 linggong lumipas.
Tiniyak naman ng Palasyo na si P-Duterte ay matuturukan ng COVID-19 vaccine upang magkaroon ng tiwala ang publiko sa bakuna.
Gayunman, ayon kay Roque, gagawin ang pagbabakuna sa Pangulo nang pribado dahil sa kagustuhan nitong maturukan sa kanyang puwet.
Comentários