ni Lolet Abania | September 1, 2021
Pabor si vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na mabigyan ng COVID-19 vaccine booster shots ang mga healthcare workers at mga indibidwal na may comorbidities.
“I don’t have any problem with it. Our healthcare workers must be given full protection,” ani Galvez ngayong Miyerkules sa Kapihan sa Manila Bay online forum, na ayon pa sa kanya, ang Chinese biopharmaceutical company na Sinovac ay handang mag-donate ng 500,000 booster doses para sa mga medical workers.
Gayunman, ayon kay Galvez, hinihintay pa ng gobyerno ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) at ng vaccine expert panel. Hiniling naman ng administrasyong Duterte ang tinatawag na standby authority mula sa Kongreso para sa pagbili ng P45.367 bilyong halaga ng booster doses sa susunod na taon.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang ebidensiya na magbibigay-suporta para sa pagbabakuna ng booster doses ay nananatiling “minimal and incomplete,” subalit aniya, “We already have saved money for our booster shots for 2022 if ever it is approved.”
Comments