Photoni Lolet Abania | September 10, 2021
Ipinahayag ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sheriff Abas ngayong Biyernes na ang mga nakarehistrong botante na nagka-COVID-19 ay maaari pa ring bumoto sa May 2022 national and local elections.
Sa naganap na deliberasyon hinggil sa panukalang P26.728-bilyon budget para sa poll body, kinuwestiyon ni Zamboanga City Representative Manuel “Mannix” Dalipe si Abas kung ang mga voters na mayroong COVID-19 ay maaari pa ring bumoto sa darating na halalan.
“If a registered voter is tested positive for COVID, can that registered voter, vote in [the] upcoming May 9 national and local elections?” tanong ni Dalipe.
Agad namang sinagot ito ni Abas, “Oo naman po. Puwede po silang bumoto.” “But gagawan po namin ng paraan na magkaroon ng parang isolation center sa bawat polling center, so ihihiwalay po natin sila just in case they will be confirmed and then doon natin sila pabobotohin doon sa isolation center,” sabi ni Abas.
Subalit, sinabi ni Abas na iba ang magiging kaso para sa mga poll servers, dahil sa hindi sila papayagan na magsilbi sa eleksiyon sakaling sila ay magpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Abas, nakikipag-ugnayan na sila sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) para i-finalize ang nararapat na guidelines para sa susunod na taong eleksiyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Comments