ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 09, 2021
Nakababahala na talaga ang numero ng mga namatay sa COVID-19 na mahigit sa 14K lalo na ang mga punuang ospital na wala nang mapaglagyang COVID patients.
Masakit sa loob na tingnan na ang ating kababaya na hindi na maasikaso ng mga pagod na pagod nang health workers, sa dami ng mga inaasikasong pasyente.
Kailan pa ba matatapos ang delubyong ito, hindi natin maiwasang maiyak sa sitwasyon ng ating bayan. Pero ang mas ikinalulungkot natin ay makitang sa tent na ginagamot ang mga pasyente at mas pinakamalala pa ang gamutin sila sa loob ng kotse, doon nilalagyan ng oxygen at dextrose.
Dagdag-pahirap pa ang nakakapikong kawalan ng konsiderasyon ng PhilHealth na hindi nila sasagutin ang mga COVID patients na nasa mga tent o mga nasa kotse. Ano bang kabalustugan ito?
FYI lang, PhilHealth, hindi katanggap-tanggap ang ganyang katwiran, kinakailangang i-cover ng PhilHealth ang mga COVID patient na nasa mga tent at kotse. Eh, kaya nga nasa tent dahil nagkulang tayo ng espasyo sa mga emergency room at kuwarto sa mga punumpuno nang ospital.
Naghihintay lang naman ang mga nasabing pasyente na ma-admit kaya pansamantala silang inilagak sa mga tent at mga kotse, ano ba! Adding insult to injury, ‘ika nga! Naghihirap na nga ng doble-doble ‘yung mga pasyenteng ‘yan tapos hindi pa iko-cover ng PhilHealth, sobra na ‘yan!
IMEEsolusyon dito na i-review ninyo, at baguhin agad-agad ang mga kakulangan sa mga reglamento ng PhilHealth at isama na sa coverage ang mga nasa tent o kotse, dahil dagdag-stress pa sa mga pasyenteng may COVID ang kanilang hospital bills.
Nasa kalagitnaan tayo ng krisis ng pandemya, magtulungan na muna tayo, mas lakihan ang pagbibigay-konsiderasyon sa ating mga kapwa Pilipino mapa-gobyerno o pribadong sektor man tayo, kapag nagamot sila ng maaga at naagapan, maliligtas din ang ating pamayanan sa hawahan. Agree?
תגובות