ni Lolet Abania | March 18, 2021
Iminungkahi ng isang eksperto mula sa OCTA Research sa pamahalaan na iprayoridad nito ang pagbabakuna sa mga residente sa National Capital Region (NCR). Sa interview kay Dr. Guido David sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery kahapon, ipinunto niyang ang NCR ay itinuturing na sentro ng pandemya kaya apektado ang sitwasyon ng mga mamamayan sa buong bansa.

“Lalo na't limited ‘yung vaccine rollout natin, ang recommendation sana natin, ma-priority natin ‘yung NCR kasi nandito naman talaga ‘yung center,” ani David. Dagdag pa niya, ang coronavirus ay hindi na kakalat pa kung sa tinatayang 7 o 8 milyong residente sa Metro Manila at mga kalapit-rehiyon nito gaya ng Calabarzon at Central Luzon ay mababakunahan.
Dahil din dito, marami ang magkakaroon ng immunity lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.
Sinabi pa ni David na mahabang panahon ang gugugulin ng gobyerno para mabakunahan ang 70% kabuuang populasyon ng bansa, kung saan tinatayang nasa 70 milyong Pinoy ang dapat ay magkaroon ng immunity.
Matatandaang noong nakaraang buwan, ipinahayag ni David na kada araw, ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay aabot sa 5,000 sa March 31, base sa kanilang projected reproduction number na isinagawa na nangyayari na rin sa ngayon.
“Actual cases are now beating projections. Reproduction number in NCR estimated to be around 1.8. This surge is increasing faster than we thought,” ani David. “If Rt = 1.8, then we will have more than 4,000 cases by March 31 (may even reach 5,000 per day) in NCR,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay David, nakatanggap din sila ng reports na karamihan sa mga kaso ngayon ng COVID-19 ay naipapasa sa mga pamilya at kasama sa bahay.
Comments