ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021
Posibleng patuloy na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa kabila ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Health (DOH).
Sa panayam ng PTV, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, malaki pa rin ang maitutulong ng ECQ upang mapigilan ang labis na pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Saad ni USec. Vergeire, “Nakikita na po nating sumisipa na ang mga kaso… tumataas na po ang kaso.
Nararamdaman na po natin ang epekto ng Delta variant dito po sa ating bansa. At amin pong nakikita, based also on projections na tataas pa rin po ang mga kasong ito. “Ito pong ginagawa natin ngayong paghihigpit sa mga quarantine restrictions or classifications ay ang ating adhikain diyan is to delay further increase pero hindi niyan patitigilin. Tutuloy pa rin ang pagtaas pero ang atin pong ginagawa ngayon is to prepare our system for this continuous increase in the number of cases.”
Kabilang umano sa mga preparasyong ginagawa ng pamahalaan ay ang pagdaragdag ng mga ICUs sa mga ospital. Sinisiguro na rin ng DOH ang suplay ng mga oxygen, gamot, testing kits, atbp.. Samantala, umabot na sa 1,649,341 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos maitala ang karagdagang 11,021 new cases ngayong Sabado. Nasa 76,063 ang aktibong kaso sa bansa kung saan 93% ang mild cases, 3% ang asymptomatic, 1.8% ang severe, at 1% ang nasa critical condition.
Umabot naman sa 1,544,443 ang kabuuang bilang ng mga gumaling na matapos maitala ang 9,194 recoveries ngunit nadagdagan din ng 162 ang mga pumanaw at sumipa na sa 28,835 ang death toll sa bansa.
Comments