ni Jasmin Joy Evangelista | August 31, 2021
Maaari umanong umabot ng 3 hanggang 4 na milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pagtatapos ng taon, ayon sa UP Pandemic Response Team.
Nakapagtala ang bansa ng pinakamataas nitong kaso na umabot sa 22,366 kahapon, isang araw matapos ma-detect ng DOH ang karagdagang 516 na kaso ng Delta variant.
Umabot na sa 1,976,202 ang COVID-19 cases sa bansa kung saan 148,594 pa ang nananatiling aktibo.
“The Philippines might tally up to 30,000 daily fresh cases until end of September and infections peak early October”, ayon kay Prof. Jomar Rabajante ng UP Pandemic Response Team.
"Ito pong projections namin kung titingnan, lumalabas ang cumulative cases possible tayo lumagpas ng 3 million at even 4 million bago matapos ang 2021. Hindi lang po sa NCR (National Capital Region), sa buong bansa mataas po at dire-diretsong pagtaas ang mga kaso," dagdag niya.
Inaasahan umano ng DOH na lalo pang tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa mabilis na pagkalat ng Delta variant.
"Kailangan i-factor in din natin because this is the Delta variant...we are seeing that cases would still continue to come in until September po 'yan, saka po natin makikita bumaba," sabi ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Dahil dito, kailangan daw na patuloy na sundin ang minimum health standards at lalo pang palawigin ang vaccination program sa bansa, ayon kay Rabajante.
"Talagang dapat mas maging mabilis tayo sa pagbabakuna compared sa pagkalat ng virus," dagdag niya.
Comments