ni Mary Gutierrez Almirañez | June 1, 2021
Pinaaalalahanan ng Department of Energy (DOE) ang mga local at national officials na panatilihin ang pakikipagkoordinasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa mga nakaimbak na COVID-19 vaccines sa bawat cold storage facilities dahil sa nagaganap na rotational brownout sa Luzon.
Ayon kay DOE Undersecretary William Fuentebella, "Dapat patuloy 'yung coordination natin sa IATF sa ating mga opisyales — local and national officials — para masigurado na protektado 'yung ating mga storage facilities for our vaccines."
Sa ngayon ay nag-umpisa na ang 2-hour rotational brownout sa Luzon Grid simula kaninang alas-10 nang umaga at matatapos mamayang alas-5 nang hapon.
Susundan iyon mamayang alas-6 nang hapon hanggang alas-10 nang gabi, dahil sa umano'y manipis na suplay ng kuryente.
Ayon pa sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mahigit 10 planta ang palyado kaya kapos ang supply ng kuryente sa buong Luzon.
Pinapayuhan naman ni Fuentebella ang mga namamahala sa bawat cold storage facilities na gumawa ng triple backup system upang hindi masira ang COVID-19 vaccines dahil sa nangyayaring brownout.
Comments