top of page
Search
BULGAR

COVID-19 vaccines, inilalapit na sa tao 'wag lang masayang

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 6, 2021




Ikinabahala ni Vice-President Leni Robredo ang mahigit 113,000 Pinoy na hindi pa fully vaccinated o hindi pa nakapagpapaturok ng pangalawang dose matapos mabakunahan ng first dose kontra COVID-19.


Paliwanag pa ni Robredo sa kanyang weekly radio program, "Para sa akin, whether isang milyon ‘yun, whether 113,000... ang laki. Naghahabol tayo ng numbers, naghahabol tayo ng supply na hindi ma-expire. So dapat, may sistema talaga para masiguro na babalik ‘yung mga tao."


Dagdag niya, "Ang common na problema sa mga LGU’s na nakakausap natin, kulang talaga sila ng nagbabakuna kahit 'and'yan ang supply. Kulang ang taga-bakuna.”


"Inexcusable na masiraan tayo either nag-brownout or hindi na-on ang temperature o freezer kasi napaka-valuable ng bakuna,” sabi pa niya.


Matatandaan namang may ilang nakapagpaturok ng unang dose, pero hindi na bumalik sa schedule ng second dose dahil ang iba ay natakot, o kaya nama’y tinamad. May ilan ding indibidwal na na-stranded sa ibang lugar kaya hindi nakabalik.


"’Yung stranded dahil sa biglang nag-GCQ, 'di makalabas, walang sasakyan, kung June na ‘yung second dose, puwede nang i-request sa malapit na bakunahan center na sila ay ma-accommodate," giit naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje.


Kaugnay naman sa nagaganap na brownout, mga hindi inaasahang paglindol, pagbaha at iba pang pangyayari sa lokasyong pinag-iimbakan ng COVID-19 vaccines ay ibayong ‘safety measures’ ang iginiit ni Cabotaje upang matiyak na hindi masisira ang mga bakuna.


Tiniyak din niyang ligtas sa baha ang mga bakuna, sapagkat nakalagay ang mga iyon sa second floor at hindi basta maaabot ng tubig-baha.


Patuloy naman ang pakikipag-coordinate nila sa mga vaccination centers at cold chain facilities upang matiyak na may nakahandang backup power supply sa posibilidad ng brownout.



ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page