top of page
Search
BULGAR

COVID-19 vaccines, babawiin sa probinsiya

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 19, 2021




Magkakaroon ng redeployment ng COVID-19 vaccines mula sa mga probinsiya pabalik sa Metro Manila sapagkat tumigil na ang ilang local government units (LGUs) sa pagbabakuna matapos maubos ang mga bakunang nakalaan sa kanila, ayon sa pahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ngayong umaga, Marso 19.


Aniya, “’Yung mga hindi pa nagagamit sa ibang regions, ipadala na, bawiin. Dalhin lahat sa Metro Manila, para ‘yung mga barangay health workers, 'yung mga healthcare workers doon sa quarantine and isolation facilities, mabigyan. Maghintay-hintay lang either today or tomorrow, magre-redeployment tayo.”


Paliwanag niya, babawiin ang mga ipinamahaging sobrang bakuna sa bawat probinsiya dahil mas kailangan ng Metro Manila ang proteksiyon kontra COVID-19 na silang episentro ng virus.


Tinatayang umabot na sa 640,984 ang kabuuang bilang ng naitalang kaso sa bansa at karamihan sa mga nadagdag na positibo ay na-detect sa NCR. Nananawagan na rin ang ilang alkalde para sa karagdagang suplay ng mga bakuna sa kanilang lungsod.


Ayon pa kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, “Kung puwede sana kaming matulungan na makipag-ugnayan. Nawawala ‘yung momentum kasi payag na sila, eh. Happy na sila. Excited na nga silang magpabakuna pero wala naman tayong maibigay na bakuna. Baka naman nasasayang lang po ang ating efforts kung sobra na nating ikinakampanya ang vaccination program and yet, wala tayong maibigay sa kanila.”


Dagdag naman ni Marikina Mayor Macy Teodoro, “Hindi po puwedeng malalaking ospital lamang ang mabigyan ng bakuna kundi lahat ng medical frontliners... Mag-concentrate kung nasaan ‘yung epicenter ng Covid cases, sa ground zero dapat, para ma- contain natin 'yung spread.” Sumang-ayon naman dito si Dr. Guido David ng OCTA Research Team at aniya, dapat munang ilaan ang mga bakuna sa Metro Manila dahil hindi na biro ang sitwasyon sa bansa.


Giit niya, “Hindi na ‘to biro, hindi na ito parang ‘yung dati na ok lang tayo, chill lang tayo. Ngayon, medyo seryoso ‘yung nagiging problema natin. ‘Yun ‘yung reality. Hindi natin puwedeng i-sugarcoat ‘yan na sabihin natin na ok 'yung sitwasyon natin kasi hindi naman. Alam naman ‘yan pati ng mga doctors, alam naman ‘yan na talagang tumataas ‘yung bilang ng mga kaso sa mga ospital.” Sa ngayon ay ilang frontliners na ang nahawa sa virus at patuloy ang hawahan sa loob ng ospital dahil sa lumolobong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.


“Unfortunately nga ho, marami ho sa kanila, nagkakaroon na rin ho ng COVID,” saad pa ni Legal Officer at Makati City Spokesperson Atty. Arthur Camina.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page