ni Lolet Abania | March 4, 2021
Inanunsiyo ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. ngayong Huwebes na ang COVID-19 vaccines na mula sa Pfizer sa ilalim ng COVAX Facility ay posibleng dumating sa Abril.
Sa isang interview, sinabi ni Galvez na tiniyak ng World Health Organization (WHO) kay Pangulong Rodrigo Duterte na matatanggap na ng Pilipinas ang bakuna mula sa Pfizer.
“Ang tingin po namin, baka April na po 'yung Pfizer kasi alam po natin na napakalaki ng demand ng Pfizer,” ani Galvez.
Aniya pa, sumulat ang WHO at sinigurong ang Pfizer vaccines ay makararating sa Pilipinas basta pirmado na ng pamahalaan ang indemnification agreement.
“Ang WHO po, sumulat na po sa ating mahal na Pangulo at ina-assure niya po ang mahal na Pangulo na darating po ang Pfizer as promised by the Pfizer headquarters na under kay CEO (Mr. Albert Bourla),” saad ng kalihim.
Tinatayang nasa 117,000 na initial doses ng Pfizer’s COVID-19 vaccines ang inaasahang matatanggap ng bansa mula sa COVAX Facility na pinangungunahan ng WHO at (Global Alliance for Vaccines and Immunization) GAVI Alliance upang matiyak ang pagkakaroon ng pantay na access sa mga bakuna sa lahat ng bansa.
Matatandaang nakatakdang ideliber ang inisyal na supply ng nasabing vaccines noong Pebrero subalit naantala ito.
Noong Martes, ayon kay GAVI Alliance CEO Seth Berkley, nagkaroon ng delay sa delivery ng ilang vaccines ng Pfizer sa ilalim ng COVAX Facility dahil sa mga idinagdag na requirements na hiningi ng manufacturer.
Ayon kay Berkley, kabilang sa mga additional requirements ay may kaugnayan sa isyu ng indemnification.
Ang indemnification agreement ay isang kasunduan na magbibigay-katiyakan sa mga indibidwal ng kabayaran sakaling magkaroon ng matinding side effects matapos na sila ay maturukan ng COVID-19 vaccine.
Comments