ni Thea Janica Teh | January 5, 2021
Nilinaw ni COVID-19 National Policy Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr. na maaari nang gamitin ang Sinopharm bilang bakuna kontra COVID-19 dahil may basbas na umano ito ng pamahalaan ng China.
Ang Sinopharm ang vaccine na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na ginamit umanong bakuna sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG). Marami ang umalma rito dahil hindi pa ito awtorisado ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Galvez, "Para mawala ang ating misconception sa mga Chinese vaccine, noong last January po, ang China po ay nag-approve ng EUA of Sinopharm for general use. Dalawa po kasi ang ginagawa po ng China, 'yung tinatawag nating emergency authorization for limited use at saka po mayroon tayong emergency utilization for general use.”
Sa inilabas na update ni Galvez kay Pangulong Duterte, sinabi nito na nasa 100 vaccine ang tinitingnan ng pamahalaan kung saan ang ilan dito ay malapit na sa phase 3 trial kabilang ang Sinovac, Sinopharm, AstraZeneca at Pfizer.
“Ang Sinovac at saka 'yung Sinopharm ay nabigyan po sila ng EUA or 'yung emergency use for limited use, katulad po ng Sinovac, limited use for tinatawag nating elderly at saka tinatawag nating 'yung vulnerable sector," dagdag ni Galvez.
Samantala, ibinahagi rin ni Galvez na nagkaroon na rin ng “stringent authority” sa US at UK ang vaccine na gawang Pfizer na sinundan ng Moderna at AstraZeneca.
Comments