ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 11, 2021
Maliban sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay din sa mabilis na pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaan ang “learning recovery.”
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na bigyan ng prayoridad ang ligtas na pagbabalik sa eskuwelahan ng mahigit 25 milyong mag-aaral upang maiwasan ang paglala ng tinatawag na “krisis sa edukasyon” pati na ang posibleng pangmatagalang pinsala at panganib na dulot ng pandemya sa mga estudyante habang tumatagal din ang kanilang pananatili sa bahay. Kabilang na ang pag-urong ng kaalaman, isyu sa mental health at posibleng pagtaas ng mga kaso ng karahasan laban sa kabataan.
Sa pagpapatupad ng vaccination program, nais nating muling bigyang-diin na isama ang mga guro sa mga unang mababakunahan lalo na’t nagsisilbi silang mga frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon. Kinakailangan lang na dapat patuloy ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsuot nila ng mask, physical distancing at ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa sanitation tulad ng paghuhugas ng kamay.
Nito lamang nakaraang Enero, may mga eksperto mula sa United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na nagpaliwanag na posible ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes kung ang mga komunidad at paaralan ay mayroong sapat na hakbang na ipatutupad upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Ginawang halimbawa ng mga taga-CDC ang 17 paaralan sa Wisconsin sa Amerika kung saan mahigpit na ipinatutupad ang pagsuot ng face mask. Sa loob ng 13 linggo sa mga huling buwan ng 2020, pito lamang sa halos 200 naitalang kaso ng COVID-19 sa mga mag-aaral at mga kawani ng eskuwelahan ang napatunayang nagmula sa mga paaralan.
Napatunayan din sa Israel na ang siksikang mga estudyante sa silid-aralan, hindi pagpapatupad ng physical distancing at hindi pagsusuot ng face mask ay nagdudulot ng pagdami ng kaso ng COVID-19. Sa katunayan, naging dahilan pa nga ito ng outbreak sa naturang bansa noong Mayo 2020 na nagmula sa dalawang mag-aaral na mildly symptomatic.
Noong Oktubre naman ay inihayag ng United Nations na ang pagpigil sa pagkalat ng virus ang pinakamahalagang hakbang para makabalik sa mga paaralan ang kabataang mag-aaral.
Ngayong nalalapit na ang pagpapabakuna kontra COVID-19 sa bansa, mahalaga na ating matutukan ang ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, kung saan mas magagabayan sila ng kanilang mga guro at makakasalamuha na nilang muli ang kanilang mga kapwa mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments