ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | February 27, 2021
Nito lang Miyerkules, ika-24 ng Pebrero, ipinasa ng dalawang sangay ng Kongreso (Senado at ng Mababang Kapulungan) ang National COVID-19 Vaccination Program Act— isang panukala na ating isinulong sa Mataas na Kapulungan matapos sertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent bill.
Nilalayon ng panukala na resolbahin ang samu’t saring usapin tungkol sa problema ng bansa sa bakuna kontra COVID-19.
Ilan sa mahahalagang nilalaman ng batas ang magbigay ng legal cover sa ating mga pamahalaang lokal o LGUs at sa mga pribadong sektor na nagnanais bumili ng sarili nilang suplay ng bakuna. Sa kabila nito, sasailalim pa rin ang LGUs at ang private entities sa ilang kondisyon, tulad ng pakikipag-ugnayan sa DOH at sa National Task Force Against COVID-19 sa kanilang vaccine procurement process.
Kaugnay naman sa pondo, bagaman may nakalaan nang P82.5 bilyon sa ilalim ng 2021 national budget para sa bakuna, maaari ring gamitin ng LGUs at ng iba’t ibang kompanya ang kanilang budget resources para sa pagbili ng bakuna at iba pang suplay para rito.
Nabatid natin mula sa mga kaibigan natin sa League of Provinces of the Philippines na sa kasalukuyan, 70 LGUs na ang ngayon ay handa nang bumili ng bakuna at handang gumastos nang hanggang P13-B para rito, kasama na ang mga gastusin sa pagbabakuna ng kanilang constituents.
Sa bahagi naman ng mga pribadong sektor, tinatayang 17 milyong dosis na ang kanilang naisuguro nitong nakalipas na Disyembre.
At upang masagot ang pangamba ng nakararami sa epekto ng bakuna sa publiko, nilalayon din ng batas na magkaroon ng indemnification fund o bayad-pinsala sa mga posibleng makaranas ng negatibong epekto ng COVID vaccine o kaya naman, maging dahilan ng pagkasawi ng tao.
Umaabot naman sa P500-M ang inilaan ng gobyerno para sa nabanggit na pondo, na pangangasiwaan ng Philippine Health Insurance o PhilHealth.
Isa rin sa magandang layunin ng batas ay ilibre sa anumang uri ng tax o fees ang importasyon at donasyon ng COVID-19 vaccines. Ibig sabihin, walang anumang ipapataw na customs duties, VAT, excise tax at donor’s tax ang gobyerno sa mga darating o papasok na COVID vaccines sa bansa na pawang aprubado ng Food and Drugs Administration.
Tayo ay nagpapasalamat sa ating magigiting na kasamahan sa Senado at sa Kamara na nagkaisa upang mabilis na maipasa ang batas na ito na anumang araw mula ngayon ay lalagdaan at pagtitibayin na ni Pangulong Duterte.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments