top of page
Search
BULGAR

COVID-19 vaccination, ‘di dapat matigil

ni Ryan Sison - @Boses | July 31, 2021



Bukod sa pagsunod sa mga umiiral na health protocols, kabilang sa mga mabisang panlaban sa COVID-19 ang bakuna.


Bagama’t milyun-milyong Pilipino na ang nabakunahan at marami nang ‘fully vaccinated’ o nakatanggap ng dalawang dose ng bakuna, mas marami pa ang hindi nababakunahan.


Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilisan ang pagbabakuna dahil sa pagkalat ng Delta variant ng COVID-19, na apat na beses na mas agresibo at nakahahawa.


Ayon sa Pangulo, ang pinakamabisang panlaban sa Delta variant ay ang mas mabilis na pagbabakuna sa mamamayan. Dagdag pa rito, ipinaalala nito sa mga fully vaccinated na huwag maging kampante at ‘wag nang hintayin ang nangyari sa Indonesia, Malaysia at Thailand kung saan marami na ang namatay at parang bumalik sa unang araw ng pandemya.


Sa totoo lang, napakaraming hamon sa pagbabakuna nitong mga nakaraang linggo.


Nariyan ang kakulangan ng suplay ng bakuna, binabahang vaccination centers at kawalan ng sistema sa ilang vaccination sites, na nagdulot ng pagkalito sa mga residente.


Kaya naman hirit ng publiko, solusyunan ang mga problemang ito dahil sa halip na maturukan na nga sila ay nagkakaaberya pa.


Kung tutuusin, dapat lang naman na mapabilis ang pababakuna sa taumbayan, lalo pa’t dumarami na nga ang bilang ng tinamaan ng Delta variant sa bansa.


Ngunit ngayong isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila mula Agosto 6, paano ang pagbabakuna?


Panawagan sa mga kinauukulan, gawan ng paraan para maipagpatuloy ang pagbabakuna sa kabila ng mahigpit na quarantine restriction.


Kung naniniwala tayong hindi na dapat hintayin pang lumala ang sitwasyon, galaw-galaw na upang mabakunahan ang lahat sa lalong madaling panahon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page