ni Ryan Sison - @Boses | July 10, 2021
Security mark sa COVID-19 vaccination cards.
Ito ang mungkahi ng grupo ng mga lokal na pamahalaan matapos ang usaping kailangang maberipika kung peke o hindi ang ipinepresentang vaccination cards sa mga tourist hub na tumatanggap ng mga turistang “fully vaccinated”.
Ayon kay League of Provinces of the Philippines (LPP) President Presbitero Velasco, Jr., dapat uniform ang lahat ng mga card para madaling beripikahin ang mga ito.
Samantala, tiniyak ng ilang lokal na opisyal sa Metro Manila na hindi mapepeke ang kanilang vaccination card.
Sa Makati City, mayroon umanong inilagay na water mark sa kanilang vaccine card at makikita lang ito sa pamamagitan ng black light. May QR code rin ito para iberipika ang detalye ng pasyente. Habang sa Muntinlupa City, may QR code rin ang vaccine card kung saan nakalagay ang datos ng pasyente tungkol sa una at ikalawang dose nito.
Matatandaang ibinalik ng gobyerno ang patakarang magpresenta ng negative RT-PCR test result ang mga fully vaccinated tuwing babiyahe matapos ianunsiyo ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maaari nang gamitin ang vaccination card para makalusot sa destinasyon.
Bagama’t ipinaubaya na ng IATF sa LGUs kung vaccination card o RT-PCR test result ang gagamiting requirement sa mga turista, ‘wag nating isantabi ang isyung puwedeng mapeke ang vaccination card, gayung iba’t iba ang hitsura nito sa bawat lungsod.
Isa pa, may iba pang panganib na dala ang paggamit ng pekeng vaccination cards kaya dapat lang matiyak na mananatili itong authentic at hindi mapepeke.
Gayunman, paalala sa mga lokal na pamahalaan, kung may agam-agam o pangamba, dahil kayo ang may alam ng sitwasyon sa inyong lugar, nasa inyo ang desisyon sa paghihigpit o pagluluwag sa mga turista.
Tandaan na hindi dapat makompromiso ang kaligtasan ng inyong mamamayan at mga turista habang sinisikap nating ibangon ang turismo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios