top of page
Search

COVID-19 testing sa balikbayang OFWs, sagot ng PhilHealth

BULGAR

ni Fely Ng - @Bulgarific | October 1, 2022



Hello, Bulgarians! Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sagot pa rin nito ang COVID-19 test para sa mga nagbabalik na OFWs sa bansa, alinsunod sa IATF Resolution No. 168, s. 2022. Sa Advisory No. 2022-0026 ng PhilHealth kamakailan, inaprubahan sa isang Special Meeting ng PhilHealth Board na pinangunahan ng Officer-in-Charge ng Department of Health at Board Chair Dr. Maria Rosario S. Vergeire ang nasabing benepisyo bilang pagkilala na rin sa mahalagang bahaging ginagampanan ng mga OFWs sa bansa.


Magpapalabas naman ng Circular ang PhilHealth para sa kumpletong guidelines para rito na may bisa mula Agosto 31, 2022. Kamakailan ay inilabas ang PhilHealth Circular No. 2022-0018, kung saan nakabatay ang COVID-19 testing coverage sa DOH Memorandum No. 2022-013 o “Updated Guidelines on Quarantine, Isolation and Testing for COVID-19 Response and Case Management for the Omicron Variant.”


Ayon sa nasabing Circular, babayaran ng PhilHealth ang RT-PCR tests, plate-based man o cartridge-based, ng mga sumusunod na priority groups: A1 o healthcare workers, A2 o senior citizens, A3 o persons with comorbidities at high risk para sa malubhang sakit at iba pang may sintomas ng COVID-19 maliban sa A1, A2 at A3.


Binigyang-diin sa nasabing Circular na hindi inirerekomenda ang COVID-19 testing para sa screening ng mga taong walang sintomas ng COVID-19 maging ang kanilang asymptomatic na close contact. Sa halip ay inirerekomenda ang pag-monitor sa mga may sintomas. Kung sakali namang kailanganin ang testing, ito ay dapat isagawa limang araw mula sa huling araw ng exposure sa COVID-19. Sagot ng PhilHealth ang plate-based RT-PCR test mula P800 hanggang P2,800 samantalang ang cartridge-based PCR naman ay mula P500 hanggang P2,450 depende sa pinanggalingan ng test kit.


Ipinaalala rin na binabayaran nito ang facility-based rapid antigen test (RAT) sa halagang P500. Ito ay magagamit ng mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19 sa mga accredited Community at Home Isolation Benefit Package providers. Maaari rin itong ma-avail ng mga pasyente na naka-admit sa mga accredited hospitals at infirmaries/dispensaries.

 

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page