ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 10, 2021
Umakyat na sa 20.3 percent ang COVID-19 positivity rate sa bansa kung saan ayon sa Department of Health (DOH), isa sa limang katao ang nagpositibo sa Coronavirus.
Ayon sa DOH, isinagawa ang 51,296 tests noong Agosto 6 kung saan 20.3% ang nagpositibo. Ito ang highest positivity rate na naitala simula noong Abril 10.
Samantala, noong Lunes ay nakapagtala ang DOH ng 8,900 na karagdagang kaso ng COVID-19 at pumalo na sa 1,667,714 ang kabuuang bilang ng Coronavirus cases sa Pilipinas.
Sa 78,480 aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, 94% ang nasa mild condition, 2.1% ang asymptomatic, 1.7% ang severe, at 1% naman ang nasa kritikal na kondisyon.
Umakyat din naman sa 1,560,106 ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19 matapos maitala ng DOH ang 7,937 bilang ng mga pasyenteng gumaling na.
Noon namang Agosto 8, naitala ng DOH ang 287 bilang ng mga pumanaw sa COVID-19 at nadagdagan pa ito ng anim kahapon at sa kabuuan ay pumalo na sa 29,128 ang death toll.
Comments