ni Lolet Abania | January 21, 2022
Nagbabala ang Department of Health (DOH) ngayong Biyernes hinggil sa paglalakip ng prescription medication sa mga COVID-19 home-care kits dahil maaaring magdulot ng mas maraming pinsala sa halip na magbigay benepisyo ito sa mga indibidwal na nasa ilalim ng home quarantine.
“Kapag nagbigay tayo ng homecare kits, ‘wag ho tayo maglalagay ng mga prescriptions, medications,” giit ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Palace briefing.
“Baka ito ay mas magkaroon ng harm sa ating mga kababayan rather than giving them that benefit,” dagdag ng opisyal.
Ito ang naging tugon ni Vergeire matapos na tanungin hinggil sa pagkumpara sa “Kalinga” kits at sa ibang home care kits na ibinigay naman ng ibang mga organisasyon.
Sa mga post sa Twitter ay inihambing ng mga netizens, ang DOH kits sa mga care kits na ipinamahagi ng Office of the Vice President (OVP), kung saan mayroong isang thermometer, pulse oximeter, medical supplies, vitamins, face masks, disinfectant, at mga medisina.
Matatandaang noong Abril 2021, sinabi ni VP Leni Robredo na ang kanilang home care kits ay nabuo base sa rekomendasyon ng mga doktor na kanilang kinonsulta.
Ang DOH Kalinga kits naman ay naglalaman ng face masks, soap, alcogel, disinfection spray, at basic medicine.
Samantala, nagpasalamat naman ni Vergeire sa local government units (LGUs) na tumulong na mag-distribute habang nagdagdag ang mga ito ng marami pang items sa mga home-care kits.
“Kami rin po ay nagpapasalamat sa mga organisasyon at ibang mga local governments na talagang mas tinaasan pa nila ang antas ng mga components o mga laman ng kits na meron tayo,” sabi pa ni Vergeire.
コメント