ni Lolet Abania | January 24, 2022
Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na umabot na sa peak o rurok ang bagong COVID-19 cases araw-araw sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng pagbaba ng bilang ng impeksyon na nai-report nitong mga nakalipas na araw.
“Lumalabas nag-peak na at nakita natin ilang araw nang sunud-sunod na bumababa ang kaso ng NCR at lumiliit ang porsyenteng inaambag nito sa ating total case load,” ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III sa Laging Handa briefing ngayong Lunes.
Nitong Linggo, nakapagtala ang bansa ng 29,828 bagong kaso ng COVID-19 cases, kung saan sinira nito ang record na mahigit 30,000 daily cases sa naunang tatlong araw.
Nang tanungin kung handa na ang NCR sakaling ang alert level ay ibaba na sa Alert Level 2 sa Pebrero, sabi ni Duque, “Oo, handa naman ang Metro Manila.”
Ayon kay Duque, ang alert level sa NCR ay maaaring i-downgrade sa Alert Level 2, kapag naabot na ang pamantayan na itinakda ng gobyerno.
Kabilang sa pamantayan aniya, kailangan na ang two-week growth rate ay nasa moderate risk at dapat na ang average daily attack rate ay nasa tinatayang isa hanggang pitong kaso bawat 100,000 populasyon. Habang ang healthcare utilization rate naman ay dapat nasa 49% at pababa.
“’Yan automatic, ‘yan, kapag maabot ‘yan, bababa tayo to Alert Level 2,” saad ni Duque.
Batay sa datos ng DOH ay lumabas na 48% ng ICU beds sa NCR ang okupado na habang 46% ng isolation beds naman ang nagamit.
Subalit, ayon kay Duque, kailangan pang talakayin ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Baka kailangan tingnan pa rin kung ang healthcare utilization rate ay nagkaroon na ng pagbabaklas o decoupling. Kumbaga tumaas ng kaso, ito raw ‘yung kwan natin, ‘yung mga severe, critical, nasa baba,” sabi pa ni Duque.
Comments