ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 14, 2021
Ipinakita ni Lee Van “The Slayer” Corteza kung gaano kaswabe ang kanyang pormang pangkampeonato pagdating sa pabilisan ng pagtumbok nang walang kahirap-hirap nitong inakyat ang trono ng pinakaunang Speed Pool Challenge na nasaksihan sa palaruan ng Sharks sa Quezon City kamakailan.
Hindi nagkaroon ng duda kung sino ang magiging kampeon ng torneo nang ilampaso ni Corteza sa finals si Jericho “Panday” Banares. Sa racks na tinumbok ng pambato ng Davao, nagsumite siya ng tiyempong 6:16.69 at walang nakuhang ni isa mang penalty mula sa missed shots at fouls.
Hindi lang sa finals nakapagsumite ng rekord na lubhang mabilis at walang mintis o walang sablay ang manunumbok na ni minsan ay hindi pa sumali sa isang Speed Pool na bakbakan. Sa elimination at sa semifinal round ay wala ring bangas ang kanyang naging marka.
“Walang sablay”, “Tibay talaga the Slayer”, “Congratsss Vanvan”, “What a monster wow!”, “Under 54-second average. That’s a speedy man!”, “Congrats to the Slayer Lee Van Corteza for the perfect game and win.” at “Flawless Victory!” ang ilan sa mga linyang nakita sa social media bilang pagsasalarawan at paghanga sa malupit na laro ng 42-taong-gulang na si Corteza.
Maraming mabibigat na pangalan ang lumahok sa kompetisyon at nag-ambisyong maging kampeon pero nabigo sila. Kasama sa listahan sina dating World 8-Ball titlist at kasalukuyang AZBilliards Moneyboard frontrunner Dennis “Robocop” Orcullo, ang 15-anyos na phenom na si Bernie “Benok” Regalario, Johann “Bad Koi” Chua, Jeffrey De Luna at Jeffrey Ignacio.
Matatandaan ding si Corteza, naging World 14.1 Straightpool titlist, ang nagwagi sa bakbakan na binansagang “Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio” at ginanap din sa Shark’s Billiards Hall noong Marso. Sa naturang kompetisyon, si double world titlist Ronnie “The Volcano” Alcano ang biniktima ni Corteza sa championship round.
Comments