ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 7, 2021
Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga edad 15 hanggang 17 na lumabas ng bahay upang makapagparehistro para sa national ID system, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Maaari na ring lumabas ang mga edad 65 pataas para sa registration sa Philippine Identification System, ayon kay Roque.
Ipinagbabawal ng IATF ang paglabas ng mga edad 18 pababa at 65 pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) katulad ng Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna dahil sa COVID-19 pandemic, maliban na lamang kung para sa mga essential purposes.
Saad pa ni Roque, “Ang mga menor de edad, 15 to 17, kasama na rin po ang mga seniors, ‘yung mga above 65, eh, palalabasin lang po ng kanilang mga tahanan para po magrehistro sa Philippine Identification System at siyempre po, ‘yung dating rule na kapag kinakailangan para kumuha ng mga essentials o kinakailangan para magtrabaho, eh, hindi po iyon apektado.”
Samantala, ayon sa Philippine Statistics Authority, noong Abril ay umabot na umano sa 28 million ang nakapagparehistro para sa Philippine national ID.
Kommentare