ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 21, 2025

Dear Chief Acosta,
Kasalukuyan akong nagtatrabaho bilang isang manager sa isang hotel sa Maynila. May isang okasyon kung saan inireserba ang aming hotel para sa isang kaarawan. Binigyan kami ng listahan ng mga imbitadong bisita. Noong dumating ang nasabing okasyon, matiyaga akong nagmasid upang obserbahan kung maayos ba ang lahat hanggang sa nakita ko na may kausap ang isa naming tauhan sa may pintuan. Nang sila ay lapitan ko, may isa diumanong tao na pumasok, ngunit wala sa listahan ng bisita. Nilapitan ko siya at kinausap na hindi siya maaaring pumasok dahil eksklusibo para sa bisita ang nasabing okasyon. Ngunit sinabi niya na siya ay isinama ng isa sa mga bisita. Pumayag siyang umalis, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nakita ko siya na nakapasok muli kaya nilapitan ko siya ulit at sinabing hindi siya maaaring manatili roon. Gusto niya akong singilin ng danyos dahil napahiya diumano siya sa mga taong nakarinig. Maaari ba niya itong gawin kahit na ang layunin ko lang naman ay gawin ang aking trabaho? -- Liam
Dear Liam,
Ayon sa Article 19 ng New Civil Code of the Philippines, sa anumang gawain ng tao, kailangang umakto siya ng may hustisya, ibigay ang nararapat para sa kanyang kapwa, at maging matapat at malinis ang isip.
Ngunit mayroon ding konsepto ng “volenti non fit injuria.” Ayon sa kasong Nikko Hotel Manila Garden vs. Roberto Reyes, G.R. No. 154259, 28 February 28, 2005, sa panulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Minita Chico-Nazario, ang ibig sabihin nito ay tumutukoy sa “self-inflicted injury” o pinsalang dulot din ng ating sariling kagagawan. Dahil dito, kung ang isang tao ay napinsala nang dahil din sa kanyang sariling kagagawan, hindi siya maaaring humingi ng danyos.
Ayon din sa nasabing kaso, kung ang isang tao na nakisama sa isang okasyon kahit hindi imbitado (gate-crasher) ay pinaalis sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya, kahit na may iba pang nakarinig, hindi siya maaaring humingi ng danyos kung siya man ay napahiya. Narito ang pahayag:
“In the absence of any proof of motive on the part of Ms. Lim to humiliate Mr. Reyes and expose him to ridicule and shame, it is highly unlikely that she would shout at him from a very close distance. Ms. Lim having been in the hotel business for twenty years wherein being polite and discreet are virtues to be emulated, the testimony of Mr. Reyes that she acted to the contrary does not inspire belief and is indeed incredible. x x x
Ms. Lim, not having abused her right to ask Mr. Reyes to leave the party to which he was not invited, cannot be made liable to pay for damages under Articles 19 and 21 of the Civil Code. Necessarily, neither can her employer, Hotel Nikko, be held liable as its liability springs from that of its employee.”
Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi ka managot sa danyos kahit na napahiya ang hindi imbitadong bisita na iyong pinaalis. Base sa iyong salaysay, kinausap mo siya nang malapitan upang sabihin na hindi siya maaaring manatili roon dahil hindi siya kasama sa listahan ng mga bisita. Maaari ka ring makaiwas sa danyos kung ang layunin mo ay hindi para ipahiya siya, kundi para gawin ang iyong trabaho na ang mga papapasukin lamang ay ang mga bisita na nakasulat sa listahan na ibinigay sa iyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments