ni Lolet Abania | September 28, 2021
Sumang-ayon na ang House of Representatives sa panukalang inihain sa Senado hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng Roosevelt Avenue na gawing Fernando Poe Jr. Avenue sa Quezon City.
Ginawa ang concurrence o pagsang-ayon ng mababang kapulungan ng Kongreso sa plenary session na ginanap nitong Lunes.
Noong Setyembre 13, inaprubahan ng Senado ang House Bill No. 7499, na layong palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue at maging Fernando Poe Jr. Avenue bilang pagkilala sa icon ng Filipino action movies na namatay noong 2004.
Gayunman si Senador Grace Poe na anak ng aktor na si FPJ ay bumoto ng abstain dahil aniya, “conflict of interest.”
Una nang inihain ang local bill para palitan ang pangalan ng Del Monte Avenue, na matatagpuan din sa first legislative district ng Quezon City at isunod sa pangalan ng yumaong aktor, subalit naghain si Senate President Vicente Sotto III ng isang amendment para sa Section 1 ng naturang proposed measure na ang Roosevelt Avenue na lamang ang ipalit dito.
Ang amendment ay tinanggap ni Senador Manny Pacquiao na siyang nag-sponsor ng naturang bill.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naatasang mag-issue ng nararapat na panuntunan, orders, at circulars para ipatupad ang provisions sa loob ng 60 araw mula sa itinakdang effectivity nito.
Comments