ni Lolet Abania | September 6, 2021
Umabot na sa mahigit 2,000 ang naitalang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Lunes.
Sa isang update ng DOH, University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH), nasa 279 kaso ng Delta variant ang na-detect mula sa 367 samples na naisumite ng 60 laboratories kaya pumalo na sa kabuuang 2,068.
Sa karagdagang 279 Delta variant cases, 245 ay local, 21 ay returning overseas Filipinos (ROF), at 13 kaso ay bineberipika pa kung ito ay local o ROF.
Ang pinakabagong batch ng kaso ng Delta variant na na-detect sa mga sumusunod na lugar:
• Ilocos Region (17 cases)
• Cagayan Valley (17)
• Central Luzon (24)
• Calabarzon (35)
• Mimaropa (9)
• Bicol Region (19)
• Western Visayas (3)
• Central Visayas (5)
• Eastern Visayas (14)
• Zamboanga Peninsula (1)
• Northern Mindanao (22)
• Davao Region (10)
• BARMM (5)
• Cordillera Administrative Region (13)
• National Capital Region (51)
Ayon sa DOH, dalawang kaso ng Delta variant ay nananatiling aktibo, walo ang nasawi, 267 kaso ang naitalang nakarekober na, habang ang dalawang kaso ay bineberipika pa.
“All other details are being validated by the regional and local health offices,” ani DOH.
Nakapagtala naman ang DOH ng 29 bagong Alpha variant cases, kung saan lahat ay local, kaya umabot na sa kabuuang 2,424 ang kaso nito.
Ayon sa ahensiya, isang kaso ang nananatiling active, isa ang nasawi, habang 27 ang nakarekober na sa Alpha variant.
Umakyat naman sa 2,697 ang Beta variant cases na unang na-detect sa South Africa, matapos makapagtala ng 28 bagong kaso subalit nakarekober na ang mga ito.
Ang P.3 variant na na-detect sa Pilipinas ay umabot naman sa 442 kaso matapos na maitala ang 13 bagong kaso nito. Sinabi ng DOH, isa ang nasawi habang 12 cases ang nakarekober na sa P.3 variant.
Hanggang nitong Setyembre 3 nai-report na may kabuuang 51 active cases ng Delta variant, na unang na-detect sa India, may 19 active cases ng Alpha variant, 14 aktibong kaso ng Beta variant at isa lamang na active case ng P.3 variant.
Gayunman, wala pang naiulat na bagong kaso ng Gamma at Lambda variants sa Pilipinas.
Komentar