ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 13, 2021
Na-trace na ang 108 sa 496 na sangkot sa mass gathering sa Caloocan City public pool kamakailan sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng COVID-19 health protocols, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pahayag ni DILG Spokesperson Jonathan Malaya, “Mahirap nga po ang contact tracing sa sitwasyon na ito dahil marami pong kapabayaan ang management ng resort. In fact, hindi po kumpleto ‘yung mga impormasyon na nakalagay doon sa kanilang logbook o sa guest stubs.
“Lumalabas po na 496 ‘yung guest stubs na in-issue nila at hindi naman po natin alam kung lahat po talaga ng taong pumunta roon ay nag-fill-up ng guest stubs.
“Du’n po sa 496 na ‘yun, 232 ang may cellphone number ngunit hindi naman po ma-contact ang lahat ng ito.”
Ayon din kay Malaya, sa mga na-contact nilang pumunta sa naturang resort, 180 ang mula sa Caloocan City, 11 ang mula sa Bulacan, 3 ang mula sa Malabon, 5 ang mula sa Manila, 26 ang mula sa Quezon City at 7 ang mula sa Valenzuela City.
Samantala, aniya, isinailalim na sa antigen COVID-19 test ang 72 sa 108 na na-trace na.
Aniya, “Wala pa pong report sa amin ang local government unit (LGU) kung may nag-positive rito sa mga pumunta, mga na-contact natin na pumunta sa resort.”
Comments